Monday, December 10, 2012

BFP Sorsogon City nagsagawa ng masusing inspeksyon sa mga negosyante ng mga paputok at Christmas lights



Ni: FB Tumalad

LUNGSOD NG SORSOGON, Disyembre 6 (PIA) –Nagsagawa ng inspeksyon sa lahat ng mga maliliit at malalaking tindahan ng mga paputok ang mga kagawad ng Bureau of Fire Protection (BFP) Sorsogon City noong Lunes Disyembre 3, 2012 sa syudad ng Sorsogon.

Martes, Disyembre 4 ay muli silang nagpatuloy ng inspeksyon upang tumutok naman sa mga tindahan ng Christmas lights upang siguruhing pumasa ang mga ito sa Department of Trade and industry (DTI) standard at markado ito ng Import Commodity Clearance (ICC) stickers na ibig sabihin ang mga produktong ito ay ligtas gamitin ng publiko.

Ang inspeksyon ay alinsunod sa alituntunin ng Republic Act 9514 o mas kilala bilang Fire Code of the Philippines of 2008.

Ayon kay BFP Sorsogon City Fire Marshal Senior Inspector Walter B. Marcial, ang pagsasagawa nila ng malawakang inspeksyon sa mga istablisimyentong nangangalakal at gumagawa ng mga paputok at Christmas lights ay bilang pagsunod sa istriktong alituntunin ng batas at masiguro ang kaligtasan ng mamamayan.

Isa sa mga kinokunsidera ng BFP ang lomolobong bilang ng sunog at aksidente sa panahon ng kapaskuhan at bagong taon na karamihang dahilan ay ang paggamit ng mga paputok, pyro techniques at sub-standard na Christmas lights at palamuti.

Mahigpit na ipinapatupad ng ahensya ang sistema na ibig sabihin ay walang maaring magbenta mamahagi at gumawa ng mga paputok at Christmas lights ng walang Fire Safety Inspection Certificate (FSIC) mula sa kanilang tanggapan.

Sa ngayon ay patuloy an nakikipag-ugnayan ang BFP sa ibat-ibang ahensya ng gobyerno upang lubos na maipaunawa ang layunin ng kanilang hakbang kung saan nakatuon ito sa kaligtasan ng publiko at maiwasan ang hindi inaasahang mga pangyayari sa panahon ng selebrasyon ng kapaskuhan.

Panawagan pa rin ng BFP sa publiko na salubungin ng ligtas at mapayapa ang pasko at bagong taon at maging maingat at mapagmatyag sa pagpili ng mga binibiling dekorasyon at pailaw sa kanilang mga tahanan para makaiwas sa banta ng sunog.(FB Tumalad,PIA Sorsogon)

No comments: