Wednesday, December 12, 2012

Sosogon Festival 2012 opisyal nang binuksan ngayong araw



Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, Disyembre 12 (PIA) – Sa kabila ng malakas na buhos ng ulan, opisyal nang binuksan kanina, alas otso ng umaga, ang pagdiriwang ng Sosogon Festival 2012 sa pamamagitan ng isang parada na nilahukan ng mga empleyado ng pamahalaang lokal ng Lungsod ng Sorsogon, mga opisyal ng 64 na barangay ng Sorsogon City, akademya, mga isponsor ng aktibidad at iba pang stakeholder.

Tampok sa ginawang parada ang mang-aawit at personalidad sa showbiz na sina Ronnie Liang at Empress Shuck kung saan pinagkaguluhan ito ng publiko lalo na ng mga kabataan.

Agad ding isinunod ang isang programang tuluyang nagdeklara sa pagbubukas ng limang araw na Sosogon Festival.

Ilan pa sa mga tampok na aktibidad ngayong araw ay ang pagbukas din ng Sosogon Expo 2012 sa Festival Center kung saan makikita dito ang iba-ibang mga produktong agrikultural, pagkain, negosyo at turismo ng Sorsogon City, tema nito ang “Tangkilikin Produktong Tatak Kalikasan”. Magtatagal ang Sosogon Expo hanggang sa Disyembre 21, 2012.

Isinagawa din ngayon ang Likhang Daliri o Sosogon Architect Exhibit sa ikalawang palapag ng City Hall.

Ala-una ng hapon kanina ay ginawa naman ang Sosogon Skills Competition sa lobby ng City Hall kung saan ipinakita ng mga kalahok ang kani-kanilang kasanayan sa Bar tending, paglalagay ng dekorasyon sa cake at table skirting.

Gaganapin din sa hapon ang Sosogon Lantern Parade at Night Float Competition na ipinarada mula sa Central Business District papunta sa Festival Center ng Sorsogon City. Makikita din ng publiko ang makukulay na ilaw sa Festival Center sa gagawing Cermonial Switch-on ng mga Christmas Light at iba’t-ibang mga palamuti, alas-sais ng gabi.

Isang Libreng Dyaming din ang gaganapin alas-syete ng gabi sa Festival Center, isa itong libreng konsyerto na tatampukan ni Warren J. Habang ginagawa ang konsyerto ay magpapalipad naman ng mga Wishing Sky Lanters na tiyak na dadagdag pa sa makulay na aktibidad ng pagbubukas ng Sosogon Festival ngayong taon.

Ang Sosogon Festival ay magtatagal hanggang sa Disyembre 16, 2012 kasabay ng paggunita at selebrasyon ng pagkakatatag ng Lungsod ng Sorsogon at ng unang araw ng Misa de Aginaldo. (BARecebido, PIA Sorsogon)

No comments: