Ni: Bennie A. Recebido
LUNGSOD NG SORSOGON, Disyembre 13 (PIA) –
Tiniyak ni Department of Public Works and Highways Sorsogon 2nd
District Engineer Romeo Doloiras na bukas pa rin ang kanilang ahensya sa
pagtanggap ng mga Civil Society Organization (CSO) na nais magpaakredit sa
kanila nang sa gayon ay mapabilang ito sa mga tagapagsubaybay sa pagpapatupad
ng mga proyekto ng DPWH.
Ayon kay Doloiras, bahagi umano ang hakbang
na ito ng kanyang Public Management Program Re-entry Plan.
Matatandaang noong Setyembre nitong taon ay
isinailalim ang isang team ng DPWH na kinabibilangan ng mga section head sa
isang oryentasyon kung saan ibibilang na ang mga CSO sa mga susubaybay sa proyektong
pangkaunlarang ipinatutupad ng DPWH.
Aniya nararapat ang hakbang na ito sa
pagpapatupad ng ‘transparency’ ng kanilang tanggapan. Ang mga CSO umano ay
magiging partner at obserbador din sa lahat ng mga pagdadaanang bahagi ng
proyekto katulad ng pagtukoy ng uri ng proyekto, pagbili ng mga kagamitan o
materyales, pati na ang gagawing post evaluation ng proyekto.
Inamin ng opisyal na may mga obserbasyon
silang naitatala kung saan mayroon umanong mga kontratistang masyadong mabagal
sa pagpapatupad ng proyekto at hindi nakakaabot sa panahong itinakda, habang
mayroon ding hindi gumagamit ng mga materyales ayon sa nakasaad sa program of
work. Ito umano ang ilang mga kadahilanan kung bakit isinama na nila ang mga
CSO sa pagpapatupad nila ng kanilang mga proyekto.
Sinabi din ni Doloiras na inatasan rin niya
ang ilan sa mga tauhan niya na gumawa ng Memorandum of Understanding (MOU) sa
pagitan ng DPWH at CSO upang maisaayos na ang mga rekisitos at mekanismong
kakailanganin upang makasama sa pagpaplano at pagtukoy ng mga proyekto.
Sakaling handa na, ipaliliwanag sa napiling CSO ang nilalaman ng MOU.
Isasailalim din sila sa pagsasanay upang mas maging pamilyar sa pagpapatupad ng
proyekto. Magsasagawa din ng pagpupulong kasama ng mga kontratista upang
matalakay sa kanila ang detalye kung bakit kailangan ng CSO sa pagsubaybay sa
implementasyon ng proyekto.
Matapos ang mga pamamaraang ito ay
iimbitahin din ang mga municipal engineer at kapitan ng barangay kung saan
ipapatupad ang proyekto upang maging saksi sa magiging pirmahan ng MOU. Limang
CSO sa buong probinsya ang pipiliing i-akredit ng DPWH. (BARecebido, PIA
Sorsogon)
No comments:
Post a Comment