Ni: Bennie A. Recebido
LUNGSOD NG SORSOGON, Disyembre 12 (PIA) –
Kaugnay ng pagdiriwang ng Sosogon Festival 2012, nakatakdang magsagawa ng isang
pagsasanay para sa mga mahihilig sa pagkuha ng litrato ang pamahalaang lokal ng
lungsod ng Sorsogon sa pakikipagkawing nito sa Picture Box Photography Studio
sa darating na Sabado, Disyembre 15, 2012 sa Sosogon Function Hall, City Hall
Compound, dito sa lungsod.
Ayon kay City Tourism Officer Sheena M.
Dioneda, tinawag nila ang aktibidad na “Creative Exposure: a Digital
Photography Lenshop” at layunin nitong mahasa pa o di kaya’y makapulot pa ng
mga bagong kasanayan yaong mahihilig sa photography o pagkuha ng mga larawan
gamit ang digital na camera.
Isang malaking suporta din umano ang
aktibidad na ito sa programang “Linang Dunong” ng kasalukuyang administrasyon
ng pamahalaang panlungsod.
Dagdag pa ni Dioneda na hindi lamang
matatawag na hobby ang photography o pagkuha ng mga larawan kundi malaking
bagay sa pagsasagawa ng mga dokumentasyon at pagsubaybay sa isang pangyayari.
Aniya, marami na ngayon ang nakakabili ng
mga digital camera lalo na yaong mga Digital Single-Lens Reflex (DSLR) subalit
hindi umano sapat ang kaalaman ng nakararaming may camera sa tamang pagkuha ng
mga larawan at kung paano pangangalagaan at gamitin ng tama ang mga ito. Aniya,
karamihan sa mga ito ay natuto lamang dahil sa karanasan sa paggamit ng camera.
Ito umano ang dahilan kung bakit naisipan
nilang magsagawa ng ganitong aktibidad nang sa gayon ay hindi masasayang ang
pagkakaroon nila ng camera bagkus ay matututo ang mga ito sa tamang pagkuha ng
mga de-kalidad na larawan na maaari din nilang mapagkakitaan.
Ang mga lalahok ay isasalang din sa aktwal
na photo coverage at idadaan sa mga kritiko upang higit na mahasa ang mga
kasanayang kanilang natutunan.
Bukas din umano ito sa mga baguhan at mga
propesyunal ano man ang edad nito. Dapat lang na magdala ng DSLR camera at mga
sample ng kuhang larawan ang mga nais lumahok.
Ang mga nais na lumahok ay maaari pa ring
makipag-ugnayan sa mga sumusunod na numero: 09999907339 (Jing) at 09189646337
(Libs). (BARecebido, PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment