Monday, February 25, 2013

PENRO Masbate masigasig ang pamamaraan sa NGP; Kababaihan pangunahing natutulungan ng NGP sa Masbate



PENRO Masbate masigasig ang pamamaraan sa NGP

LUNGSOD NG LEGAZPI, Pebrero 25 – Isang daang porsyento ang ibinubuhos ng Field Office ng Department of Environment and Natural Resources sa Masbate sa pagpapatupad ng National Greening Program o N-G-P sa isla probinsiya.

Sinabi ni Provincial Environment and Natural Resources Officer Tito Migo ng Masbate na sa ganitong pamamaraan higit nagiging mataas ang kalinangan ng mga stakeholders tungkol sa N-G-P.

Tatlong pamamaraan ang isinasagawa ng PENRO Masbate upang makamtan ang maayos na pagpapatupad ng programang reforestation sa nasabing probinsiya ayon kay PENRO Migo.

Una, ang pagsasagawa ng kampanya sa impormasyon at edukasyon tungkol sa NGP, pangalawa ang pagbibigay ng pabuya sa mga people’s organization (PO) at pangatlo, ay ang pagtatag ng maigi at malusog na nursery.

Sa kaparaanang pagpalaganap ng kaalaman, sinabi ni Migo na masidhi ang nagiging kampanya ng mga tauhan ng PENRO na nagbubunga ng pagtaas ng kaalaman ng iba’t-ibang stakeholders sa usapin ng NGP.

"Ang mga tauhan ng DENR lalo na ang mga extension officers ay nasa labas upang ipaliwanag sa mga stakeholders ang programa para nag-iisip ang stakeholders na seryoso talaga ang opisina sa programa ng ating gobyerno” ayon sa kanya.

Ipinaliwanag niya na mahalaga ang pagbibigay pabuya sa mga PO upang masigurong mapapangalaan ng husto ang mga naitanim na punong kahoy maging ang mga binhing nasa nursery.

Ayon din kay Community Environment and Natural Resources Officer Gerry Arena ng Mobo, ang pagtatag ng magandang nursery ang siyang susi ng matagumpay na pagpapatupad ng NGP kung kaya ang kanyang opisina ay gumagawa ng mga kaparaanan na maitaguyod ang kooperatiba na siyang nangangalaga ng mga nursery ng probinsiya. (RFMendones, DENR-V/PIA Sorsogon)

----------------------------------------------

Kababaihan pangunahing natutulungan ng NGP sa Masbate

LUNGSOD NG LEGAZPI, Pebrero 25 – Lubusang natutuwa ang mga kasaping kababaihan sa Bagong Sirang Multipurpose Cooperative o BAMCO, isang People’s Organization ng Aroroy, Masbate sa tulung na naibibigay sa kanila ng National Greening Program o N-G-P.

Sinabi ni Ligaya Cabatingan ng BAMCO na kahit di sila nakapag-aral nabibigyan silang pagkakataong maghanap-buhay sa pamamagitan ng pag-potting o paglalaan ng lupa sa mga sisidlan.

Ayon pa sa kanya kumikita karamihan sa kanila ng apat na daang piso bawat araw sa pamamagitan lang ng pag-potting at pagpupunla.

“Malaking tulong sa tulad naming mga babae ito dahil nakakabili na kami ng bigas, ulam tapos ang mga anak namin na dati di nakakapag-aral naka-aral na ngayon dahil sa programang NGP” aniya.

Ipinaliwanag pa ni Cabatingan na nagsisilbing isang mainam na pagkakataon para sa mga walang gaanong pinag-aralan ang N-G-P gawa ng patas na pagbibigay trabaho sa lahat ng karaniwang mamamayan. RFMendones, DENR-V/PIA Sorsogon)



1 comment:

Anonymous said...

IWAN KO ANG AABOT NG 10 PERCENT ANG TOTAL AREA NA MERONG TANIM NAGSASAYANG LANG NA PERA ANG GOBYERNO. BAT D NYO SUBUKAN BISITAHIN YONG FIELD