Saturday, March 23, 2013

Agri, Tourism Development sa Cam Norte isusulong ng Team Pinoy



DAET, Camarines Norte, March 23 (PIA) – Isusulong ng Team PNoy senatorial candidates ang mga programa na magpapalakas sa turismo at agrikultura ng lalawigan na siyang magiging daan para makalikha ng karagdagang trabaho at maiangat ang kabuhayan ng mga mamamayan.

Sinabi ni dating Movie and Television Review Classification Board (MTRCB) chair Grace Poe nitong Huwebes, Marso 21 na patitibayin ng pamahalaan ang programa na magbibigay ng mas mababang halaga ng palay, pataasin ang insurance sa pananim, gayundin ang pagkakaloob ng makabagong pasilidad para sa pagaani at pagpapalago ng de kalidad na  punla ng palay.

“Kung maganda ang suporta na ibibigay ng national government dito sa Camarines Sur, tiyak na  dadami ang trabaho at oportunidad para sa mga mamamayan dito,” pahayag ni Poe, isa sa piniling kandidato ng Pangulong Aquino sa Team PNoy.

Ayon kay Poe, natutunan niya sa kanyang namayapang ama na si Fernando Poe, Jr .o FPJ, ang kahalagahan ng mga programang agrikultura para sa mahihirap na magbubukid na siyang sentro ng kanyang kampanya na “Altanghap”  (Almusal, Tanghalian at Hapunan) program noong tumakbo itong Pangulo ng bansa noong 2004.

Kapwa naman ipinahayag nina Benigno “Bam” Aquino at Risa Hontiveros ang kahalagahan na mabantayan ang industriya ng turismo dahil na rin sa tumataas na pangangailangan para maibida ang lalawigan na pamoso sa magagandang tanawin tulad ng Bagasbas Beach resort sa Daet.

Tinanghal na isa sa pinakamalinis at pinakamagandang beach resorts sa buong mundo  dahil sa pinong buhangin at luntiang kapaligiran, dinadayo rin ang Bagasbas Beach resort dahil sa mayuming beach na dinadayo para sa surfing at kite-boarding sports sa Asia. 

Ayon kay Aquino, mapapantayan ng Bagasbas Beach ang kaunlaran na nakamit ng Boracay sa Aklan kung maisasaayos mabuti at mapapaganda ang lugar na may lawak na dalawang kilometro.

Sinabi naman ni Hontiveros na higit na maeenganyo ang mga local at international tourist na magtungo dito kung maisasaayos at mapapaganda ang mga tagong water falls at mga ilog na nagsisilbing sanktuwaryo ng iba’t ibang isda at lamang dagat.

“Tulong-tulong po tayo na isaayos ang Bagasbas Beach at iba pang lugar na magiging pangakit sa mga dayuhang turista at maging sa mga local tourist natin. Kung magiging maunlad ang ating turismo rito, sigurado po ang karagdagang trabaho at magandang kabuhayan ng atring mga mamamayan,” pahayag ni Hontiveros. ###

Reference:
Noel Albano (0999 989 1327)
Manny Angeles (0905 340 3284)
Jeeno C. Arellano (0932 208 4767)

No comments: