Tuesday, May 21, 2013

Kasapi ng SWAT na nakaligtas sa ambush pinarangalan

Iginawad ni PNP Bicol RD Guinto ang parangal sa tatlong pulis.
Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, Mayo 21 (PIA) – Pinarangalan kanina ang tatlong kasapi ng grupo ng Special Weapons And Tactics (SWAT) ng Sorsogon City Police Station na nakaligtas sa naganap na ambush noong ika-10 ng Mayo sa distrito ng Bacon, Lungsod ng Sorsogon.

Matatandaang pinasabugan ng improvised landmine ang grupo ng SWAT Team alas-kwatro kwarenta y singko ng hapon sa Brgy. Bato, Bacon District, Sorsogon City habang nagsasagawa ang mga ito ng checkpoint at roving security sa lugar dalawang araw bago ang halaln.

Pinaniniwalaang grupo ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) ang nasa likod ng nasabing ambush.

Mismong si Philippine National Police (PNP) Bicol Regional Director Police Chief Superintendent Clarence V. Guinto ang naggawad ng parangal sa isang simpleng seremonya kaninang alas-otso ng umaga sa loob ng Camp Salvador Escudero, Sr., Sorsogon City.

Ang mga magigiting na kapulisan na pinarangalan at nakarating sa awarding ceremony ay sina PO3 Joey M. Vallespin, PO2 Jeric A. Elquiero at PO2 Rodel DL Dioquino habang nasa bakasyon pa at nagpapagaling pa rin sina PCInsp Juancho B. ibis at PO2 Ruel G. Guel.

Maliban sa medalya, nakatanggap din ng tig-lilimang libong piso ang limang SWAT members dahilan sa katapangang ipinakita ng mga ito.

Sa naging mensahe ni RD Guinto, pinuri nito ang ipinakitang katapangan at katatagan ng loob ng mga kasapi ng SWAT dahilan upang walang buhay na mabuwis lalo na sa panig ng pamahalaan.

Pinasalamatan din niya ang lahat ng mga kapulisan sa ipinakitang pagtutulungan ng mga ito dahilan upang makamit ang mapayapang halalan hindi lamang sa lalawigan ng Sorsogon kundi sa buong rehiyon partikular sa lalawigan ng Masbate.

Isa umano itong indikasyon na sa pagsasanib pwersa ng mga awtoridad at mamayan, hindi imposibleng makamit ang kapayapaan at kaayusan ng bawat komunidad. (BARecebido, PIA Sorsogon)

No comments: