Thursday, May 23, 2013

Pagpapalit ng pinuno ng 31st IB, PA ginanap kahapon


Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, Mayo 23 (PIA) – Pinangunahan ni 903rd Infantry Brigade Commander Col. Joselito E. Kakilala ang pagpapalit ng bagong pinuno ng 31st Infantry Batallion ng Philippine Army, alas-dyes ng umaga kahapon, sa Battallion Headquarters, Brgy. Rangas, Juban, Sorsogon.

Pinalitan ni Lt. Col. Beerjenson N. Aquino si dating Commanding Officer Col. Teody T. Toribio na nagsilbi rin ng isang taon at anim na buwan bilang pinuno ng 31st IB.

Si Lt. Col. Aquino ay dating Assistant Chief of Staff for Personnel, G1 sa Camp Elias Angeles sa bayan ng Pili, Camarines Sur na nanungkulan naman doon ng halos isang taon. Pumalit sa kanya si Lt. Col. Buenaventura L. Zulueta na kasalukuyang hepe ng Provost Marshall Division ng 9th Infantry Division.

Bago tuluyang palitan si Col. Toribio, binigyan ito ng parangal bilang pagkilala sa kanyang mga nagawa sa loob ng kanyang panunungkulan sa batalyon. Kabilang na dito ang matagumpay na pagkakakubkob ng kuta ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) sa bayan ng Donsol, Sorsogon kung saan tatlong NPA ang napaslang at ilang mga armas at kagamitan din ng rebeldeng grupo ang nakumpiska.

Sa panayam ng PIA kay Col Toribio, sinabi nitong positibo siyang maipagpapatuloy ng bagong pinuno ng 31st IB ang nasimulan nilang mga aktibidad, proyekto at programang nagresulta sa zero human rights violation at zero tactical offense sa panig ng mga kasundaluhan, at mas mapayapang komunidad dahilan upang umangat ang kanilang ekonomiya. Aniya, sa tamang taktika at istratehiyang pangkapayapaan, tataas ang turismo at maiaangat ang kalagayan ng pamumuhay ng mga Sorsoganon. “Naniniwalaakong alternate economic hub ng Albay ang lalawigan ng Sorsogon,” dagdag pa ni Col. Toribio.

Mensahe umano niya sa hahalili sa kanya na alagaan ang mga kasundaluhan, gawin anuman ang naaayon sa batas, panatilihin ang pagpapahalaga sa karapatang pantao, pag-ibayuhin ang serbisyo publiko at huwag sayangin ang lahat ng nasimulan na, lalo na ang naibalik na tiwala ng mamamayan at magandang imahe ng mga kasundaluhan. Naniniwala umano siyang possible ito sapagkat napagtulungan na nilang gawing matatag ang batalyon.

Panawagan din nya sa publiko na sana’y patuloy na tulungan ang 31st IB nang sa gayon ay mawakasan na ang karahasan at insurhensiya nang sa gayon ay tuluyan nang makamit ang minimithiing kapayapaan at kaunlaran ng bawat isa.

Bilang tugon ay nangako naman si Lt. Col. Aquino na gagawin nya ang lahat ng kanyang makakaya upang mabigyan ng tamang serbisyo ang mga taga-Sorsogon. Makakaasa umano ang mga Sorsoganon na ipagpapatuloy niya anuman ang naumpisahang programa ni Col. Toribio lalo na ang paglulunsad ng mga aktibidad pangkapayapaan at pang-kaunlaran, at yaong may kaugnayan sa civil military operation na mayroong malaking pakinabang sa mga Sorsoganon. (BARecebido, PIA Sorsogon)

No comments: