Wednesday, May 22, 2013

Mga nagkakasalang pulis, dapat gabayan kaysa parusahan ayon kay PNP Bicol RD Guinto


Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, Mayo 22 (PIA) – Hindi parusa kundi rehabilitasyon para sa mga nagkakasalang pulis.

Ito ang mariing sinabi ni Philippine National Police (PNP) Bicol Regional Director Police Chief Superintendent Clarence V. Guinto sa ginawang parangal sa mga nasugatan at nakaligtas na kasapi ng Special Weapons And Tactics (SWAT)Team ng Sorsogon City Police Station sa naganap na pagpapasabog ng improvised landmine at ambush noong ika-10 ng Mayo sa Brgy. Bato, Distrito ng Bacon, Lungsod ng Sorsogon.

Aniya, isa sa mga naging patakaran niya nang maging Regional Director siya ay ang pagbibigay parangal sa mga nararapat na bigyan nito, subalit kung gaano siya kabilis sa pagbibigay ng parangal ay ganun din sya kabilis sa pagbibigay ng disiplina sa mga nagkakasala o nalilihis ng landas na pulis.

Subalit sinabi nito na sa kanyang pagdisiplina sa mga tauhang kabilang sa kanyang hanay, dalawa ang sinusunod niyang disiplina, yaong tinatawag na punitive at administrative.

Ipinaliwanag niya na ang punitive discipline ay maaring mangahulugan ng paglilipat sa nagkasala o nalihis ang landas na pulis sa mas mabigat na tungkulin o assignment. Aniya, may karapatan ang nakakataas na opisyal na ilipat ang sinumang kasapi ng National Police Force saan mang panig ng bansa.

Sa disiplinang administratibo, maaari umanong masuspindi o matanggal sa serbisyo ang sinumang pulis na nagkasala. Subalit para umano sa kanya, hangga’t maaari ay ayaw niyang magsuspindi o magtanggal ng pulis sa serbisyo bilang parusa sapagkat hindi lamang ang pulis ang mapaparusahan kundi ang kanyang buong pamilya at mga nakadepende sa kanya. Aniya, mas gugustuhin niyang bigyan ito ng counseling at iba pang kaukulang aksyong magsasalba dito mula sa pagkasuspindi o pagkakatanggal tulad halimbawa ng pagbibigay sa mga ito ng espesyal na pagsasanay at seminar.

Ikinatuwa din ni PCSupt Guinto na sa Sorsogon, kakaunti lamang ang mga naitalang pasaway na pulis. Mas marami aniya ang nagbigay ng serbisyong totoo at marami din ang nagtaya ng buhay upang makamit ang mapayapa at matagumpay na eleksyon.

Binigyang komendasyon din ni PCSupt Guinto ang lahat ng mga naroroong kapulisan sa pamumuno ni Sorsogon Police Provincial Director Police Senior Superintendent Ramon S. Ranara na napakahusay na pagganap ng kanilang tungkulin noong nakaraang halaln. Pinasalamatan na rin niya ang civil society group na nakiisa at sumuporta sa kanilang mithiing makamit ang payapang halalan. (BARecebido, PIA Sorsogon)

No comments: