Friday, June 24, 2011

22 bagong computer set natanggap ng DepEd Sorsogon


Ni: Bennie A. Recebido

Sorsogon City, June 23 (PIA) – Malaking tulong sa pagpapalago pa ng kaalaman ng mga mag-aaral ang kabuuang dalawampu’t-dalawang mga bagong yunit ng computer set na natanggap ng Sorsogon province schools division at ng city schools division mula sa Department of Trade and Industry (DTI) na pinondohan ng Non-Project Grant Aid ng pamahalaan ng Japan.

Sa simpleng opening program ng DTI Work on Whells Caravan kahapon, tinanggap ni Sorsogon Schools Division Superintendent Dr. Marilyn Dimaano ang sertipikasyong nagbibigay ng labing-isang yunit ng mga bagong computer para sa siyam na mga paaralan sa lalawigan. Ilan sa mga masuswerteng paaralang ito ay ang Bacolod National High School, Pilar Productivity High School, Gabao National High School, Magallanes National Vocational, Milagrosa National High School, Buhang National H.S., San Roque National H.S. at dalawang iba pa.

Tinanggap naman ni Sorsogon City Schools Division Supt. Dr. Virgilio Real ang labing-isa ring mga bagong computer set para sa apat na mga paaralan sa lungsod.

Ito ang Phase 4 ng programang ito ng DTI at ito kauna-unahang mga paaralang ginawaran ng ganitong tulong ng DTI sa lalawigan ng Sorsogon.

Maliban sa Sorsogon, makakatanggap din ng kahalintulad na tulong ang iba pang mga napiling paaralan sa lahat ng mga lalawigan sa rehiyon ng Bicol. (PIA Sorsogon)


No comments: