Wednesday, June 22, 2011

Bicol WoW Diskwento Caravan simula na ngayon


Ni: Bennie A. Recebido

Sorsogon City, June 22 (PIA) – Opisyal nang sinimulan kanina sa Aemilianum College Inc. grounds ang pagbubukas ng Work on Wheels (WoW) Diskwento Caravan ng Department of Trade and Industry (DTI) dito sa rehiyon ng Bikol kung saan ang Sorsogon ang naging punong-abala.

Tampok sa dalawang araw na aktibidad ang gagawing Go Negosyo Seminar (NEGOSEM) Provincial Caravan ang pagdating dito ni DTI-ROG USec Merly M. Cruz na magbibigay mensahe ukol sa pagsusulong ng Small and Medium Enterprise (SME) sa mga probinsya sa pmamagitan ng SME Caravan bilang isa sa mga pangunahing adyenda ng administrasyon ni Pangulong Benigno Aquino III.

Ayon kay chief, trade and Industry Development Specialist Marnela Hernandez ng DTI Sorsogon darating din ang mga matatagumpay na negosyante upang ibahagi ang kanilang sikreto ng tagumpay sa negosyo sa mga local entrepreneurs at nagnanais na pumasok sa ganitong uri ng pagnenegosyo.

Kabilang sa mga ito ay sina Linda Corsiga ng Sorsogon Foods Enterprises at Ryan Detera ng Tia Berning’s Pili Candies.

Magkakaroon din umano ng “Question and Answer” na kahalintulad sa Kapihan upang bigyang pagkakataon ang mga dadalo na makapagtanong pa.

Dagdag pa ni Hernandez na labingtatlong paaralan din ang makatatanggap ng computer sa pamamagitan ng kanilang Personal Computer Programming School na apat na taon na ring ipinatutupad.

Igagawad din ni Ginoong renato V. Navarette, Managing Director ng Certification International Philippines ang pagkilala sa DTI Regional Office V bilang ISO certified.

Samantala, tiniyak naman ni DTI Sorsogon Provincial Director Leah Pagao na sa pamamagitan ng iba’t-ibang mga paksang pangnegosyo na gagawin sa dalawang araw na forum, mabibigyan ng oportunidad ang mga local entrepreneurs na mapalago pa ang kanilang mga negosyo.

Dagdag pa ni Pagao na magiging inspirasyon din diumano ng mga kalahok ang mga buhay na testimonyang ibabahagi sa forum ng DTI Go Negosyo Tagumpay na makakatulong pa ng malaki sa mga local entrepreneurs lalo na sa grassroot level. (PIA Sorsogon)

No comments: