Wednesday, June 22, 2011

Mga pagbabago sa GSIS pinuri ng mga GSIS members

Ni: Bennie A. Recebido

Sorsogon City, June 21 (PIA) – Ikinatuwa ng mga kasapi ng Government Service Insurance System (GSIS) dito sa Sorsogon ang mga anunsyong ibinahagi ni GSIS President at General Manager Robert G. Vergara partikular sa mga bagong patakaran at benepisyo ng mga GSIS members.

Ayon sa ilang mga nakapanayam na public school teachers, government employees at pensioners ng PIA Sorsogon na nakapanood ng Communications and News Exchange (CNEX) noong Hunyo 10, 2011, nagbigay umano ito ng positibong pananaw sa kanila na may pag-asa pa ang GSIS sa ilalim ng pamamahala ngayon ni Vergara.

Ilan sa mga ibinahagi ni Vergara na pinuri ng mga nakapanood ay ang pagtitiyak nito na hindi ibabawas ang housing loan ng mga miyembro sa retirement benefit nito upang maiwasan ang zero o minimal benefit ng mga kasapi sakaling magretiro na ito. Magbibigay na lamang umano ang GSIS ng eskema o opsyon kung papaano mababayaran ng miyembro ang balance ng kanyang pagkakautang.

Maging ang pakikipag-MOA (Memorandum of Agreement) ng GSIS sa Landbank bilang additional servicing bank para sa mga GSIS fund pensioners at members ay naging kapuri-puri din sa mga Sorsoganon lalo pa’t walang Union Bank of the Philippines dito. Matatandaang bago ang MOA signing noong Dec. 7, 2010, tanging Union Bank lamang ang nag-iisang servicing bank partner ng GSIS.

Ilan pa sa mga magagandang balita ay ang pagsasaayos o updating ng records ng bawat kasapi ng GSIS partikular ang aabot sa 600,000 teaching at non-teaching personnel ng DepEd sa buong bansa na siyang bumubuo ng 43% membership ng GSIS; re-activation ng survivorship benefits na dalawang taon ding sinuspinde at ang patuloy na pagpapaganda pa sa serbisyo ng GSIS sa mga pensioners at retirees nito.

Sa tulong ng National Statistics Office (NSO), hindi na kailangang pumunta pa sa GSIS office ang mga retirees o pensioner sa araw ng kanilang kapanganakan o birthdate tulad ng nakagawian na para sa kanilang Annual Renewal of Active Status (ARAS).

Maging ang mga pensioners na nasa abroad ay maari na ring makapagrenew ng kanilang ARAS sa  pamamagitan ng video call o skype, isang web-based software na nagpapahintulot sa mga gumagamit na makatawag ng libre sa pamamagitan ng internet.(PIA Sorsogon)

No comments: