Wednesday, June 22, 2011

Turn-over of Command ng SPPO isinagawa; dating PD nagpasalamat sa mga Sorsoganon

Ni: Bennie A. Recebido

Sorsogon City, June 20 (PIA) – Pormal nang isinagawa ng Sorsogon Police Provincial Office (SPPO) ang pagsasalin ng pamumuno mula kay dating Philippine National Police (PNP) Sorsogon Provincial Director PSSupt Heriberto Obias Olitoquit papunta kay PSupt Robert Alexander A. Morico II, ang siyang tatayong Officer-In-Charge habang hindi pa tuluyang naa-appoint ang bagong PNP provincial director ng Sorsogon.

Sa maikling programang ginawa, matapos ang panalangin at Pamabansang Awit ay agad nang isinunod ang pagbasa ng relief and designation orders, pagbibigay mensahe at pagsasalin ng pamumuno ng outgoing provincial director at paggawad ng medalya kay PSSupt Olitoquit.

Sinundan ito ng pagtanggap ng responsibilidad bilang OIC provincial director ni PSupt Morico at turn-over of office symbol.

Pinangunahan naman ni PNP Bicol Regional Director PCSupt Cecilio Binamira Calleja, Jr. bilang installing officer ang nasabing turn-over ceremony.

Sa mensahe ni PSSupt Olitoquit, nagpasalamat siya sa lahat ng mga taga-Sorsogon at sa lahat ng sektor ng komunidad sa pagbigay ng suporta sa mga kampanya ng PNP at sa kanyang pamumuno bilang police provincial director ng Sorsogon. Ang suportang ito diumano ang naging daan upang mabawasan kung di man tuluyang napigilan ang kriminalidad kasama na ang pagsugpo sa paggamit ng mga ipinagbabawal na droga.

Matapos ang dalawang taong serbisyo sa lalawigan ng Sorsogon, malilipat si Olitoquit sa Camp Crame upang doon na magpatuloy ng kanyang serbisyo bilang opisyal at alagad ng batas. (PIA Sorsogon)

No comments: