Ni: Bennie A. Recebido
Sorsogon City, June 20 (PIA) – Patuloy ang pagsisikap ng Department of Labor and Employment (DOLE) Sorsogon Field Office na mabigyang solusyon ang mga isyung kinakaharap ng mga bata at kabataan ukol sa human trafficking at child labor.
Isa na rito ang kanilang panawagan sa mga Local Government Units (LGUs) lalo na sa lebel ng mga barangay na paigtingin pa ang kani-kanilang Barangay Council for the Protection of Children (BCPC)
Ayon kay DOLE Sorsogon Field Officer Imelda Romanillos, nakipag-ugnayan na ang kanilang tanggapan sa mga Municipal Social Welfare and Development Office upang matukoy ang mga barangay na may organisado nang BCPC.
Ito aniya ang magiging daan upang matulungan ang mga barangay na makabuo ng sariling Anti-Child Labor Committee na poprotekta sa pang-abuso sa mga bata.
Sa ilalim ng Republic Act 7610 o ang Special Protection of Children Against Child Abuse, Exploitation and Discrimination Act at Article XV, section 3 ng Philippine Constitution, protektado nito ang mga bata at kabataan laban sa anumang uri ng gawaing aabuso sa kanilang mga karapatan.
Tatlong taon na ang nakakaraan, naglabas din ang Department of Interior and Local Government (DILG) ng Memorandum Circular No. 2008-126 na nag-aatas sa mga gobernador, alkalde, punong barangay at DILG regional director na pag-aralan ang nirebisang panuntunan sa pagsubaybay sa pagpapatupad ng mga Local Council for the protection of Children sa lahat ng lebel.
Matatandaang sa naging orientation briefing ng DOLE noong nakaraang taon, iminungkahi ng mga kalahok na maliban sa pagbuo ng nasabing komite, dapat bigyan din ng mga punong ehekutibo ng wastong kaalaman at kaukulang pagsasanay ang mga kasapi ng Local Council for the Protection of Children lalo na sa tamang paghawak ng mga batas na sangkot ang mga bata.
Kaugnay nito, nanawagan ang DOLE sa mga halal na opisyal na aktibong makibahagi sa kanilang kampanya laban sa child labor at iba pang mga kaugnay na programa sa pamamagitan din ng massusing pagsubaybay sa mga bata at kabataang nasasakupan nito.
Samantala, ang mga port municipalities ang unang naging benepisyaryo ng anti-child labor at anti-human trafficking program dahilan sa isa ang mga ito sa matataong lugar na dinadaanan patutungo sa iba-ibang mga lugar sa bansa.
A Sorsogon, partikular na tinututukan ang Matnog port na tinatawag na ‘Gateway to the South’ at maging ang mga pantalan din ng Bulan at Pilar. (PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment