Ni: Bennie A. Recebido
Sorsogon City, June 9 (PIA) – Inihayag ni Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Bicol Regional Director II Jocelyn Ortega-Hapal sa isang press conference dito kamakailan na pumapangatlo ang Sorsogon sa may pinakamalaking bilang ng mga rehistradong Overseas Filipino Workers (OFWs) na kasapi ng OWWA.
Ayon sa opisyal, mula Abril 27 ngayong taon hanggang sa kasalukuyan ay umaabot na sa 52,059 OFWs ang naitatala ng OWWA kung saan nakuha pa rin ng lalawigan ng Camarines Sur ang pinakamalaking bilang ng mga Bicolanong nagtatrabaho sa ibang bansa, pumapangalawa naman ang lalawigan ng Albay habang sinusundan naman ito ng Sorsogon, Camarines Norte, Masbate at Catanduanes.
Sa Sorsogon, nangunguna naman sa may pinakamataas na bilang ng nagtatrabaho sa ibang bansa ang Sorsogon City na may 2,188 OFWs, sinuusundan ito ng bayan ng Bulan na may 666 OFWs, Gubat na may 606 OFWs, Irosin 404 OFWs at panghuli ang Pilar na may 246 OFWs.
Inihayag din ng OWWA ang limang nangungunang bansa kung saan marami ang mga Overseas Filipino Workers (OFWs) na pinangungunahan ng bansang Saudi Arabia na may 925 land at sea-based OFWs, sinusundan ito ng United Arab Emirates (UAE) na may 721 OFWs, Hongkong – 381, Kuwait – 263, at Singapore na may kabuuang 259 OFWs.
Nilinaw din ni Hapal na ang inihayag nilang istatistika ay base sa mga legal na kasapi ng ahensya o mga OFWs na rehistrado ng kanilang tanggapan. (HBinaya/PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment