Friday, September 24, 2010

SORSOGON CITY NAKIKIISA SA WORLD ANTI-RABIES DAY

Tagalog News Release

SORSOGON PROVINCE (Sept 24) – Nakikiisa ang lungsod ng Sorsogon sa gagawing pagdiriwang ng world anti-rabies day sa darating na Martes sa susunod na linggo. Ang World Rabies Day ay ginugunita tuwing ika-dalawampu’t walo ng Setyembre sa halos ay pitumpu’t-apat na bansa sa buong mundo kabilang na ang Pilipinas.

Layunin ng taunang paggunita na itaas ang kamalayan tungkol sa rabis at hikayatin ang mga amo na pabakunahan ang kanilang mga alaga kontra sa bagsik nito.

Ang rabis ay isang sakit na tumatama sa mga hayop partikular sa mga aso kung saan naaapektuhan ang kanilang utak.

Maliban sa aso, maari ding magkaroon ng virus na ito ang mga pusa, baboy, kambing, tupa, kalabaw, baka at unggoy. Nalilipat ito sa tao sa pamamagitan ng kagat ng hayop o paghalo ng laway nito sa bukas na sugat.

Sa lungsod ng Sorsogon patuloy pa rin ang malawakang pagbabakuna sa mga aso at paghuhuli ng mga galang aso na nagbibigay ng sakit ng ulo sa mga residente at maging sa mga motorista.

Sinabi ni Sorsogon City Veterinarian Dr. Alex Destura na bilang pakikiisa sa world rabies day celebration, nagsasagawa sila ngayon ng dog castration at nagpapalabas ng mga pelikulang may kaugnayan sa rabis sa iba’t-ibang mga paaralan dito sa lungsod.

Nagbibigay din diumano sila ng mga training samplers sa pag-aalaga ng iba’t-ibang uri ng mga hayop.

Patuloy din ang kanilang panawagan sa mga dog owners na maging responsable sa pag-aalaga ng kanilang mga aso upang maiwasan ang pagkakalat o paglalaboy ng mga ito sa kalye at maiwasan din ang pagtaas ng bilang ng mga kaso ng rabis dito.

Sinabi din nito na sa kasalukuyan ay nakikita na rin ang bunga ng pagpapaigting nila ng kanilang rabies elimination program kung saan contained na ang mga kaso nito dito sa lungsod.

Dagdag din niya sa ilang mga kasong naitala, hindi dito sa lungsod nakagat ng aso ang mga biktima kundi sa ibang lugar at dito na lamang sila inatake ng bagsik ng rabis. (Bennie A. Recebido, PIA Sorsogon)

No comments: