Tagalog News
SORSOGON PROVINCE (Nov. 22) – Humanitarian procedures ang ipinatutupad ngayon sa Sorsogon Provincial Jail sa ilalim ng pamamahala ni Provincial Jail Warden Josefina Lacdang.
Ayon kay Lacdang kahit umani ng ilang pambabatikos mula sa kanyang mga kritiko ang paraan ng kanyang pamamahala, patuloy pa rin niyang ipinatutupad ito sapagkat naniniwala siyang may mga karapatan pa ring dapat na proteksyunan ang mga bilanggo lalo pa’t halos karamihan sa mga ito ay dinidinig pa ang kaso.
Sinabi ni Lacdang na ilan sa mga makataong pagbabagong ipinatupad niya ay ang pagpapayos at pagpapapintura ng gusali, total flushing sa tulong ng Bureau of Fire, pagiiskedyul ng regular na paghahakot ng basura sa kanyang koordinasyon na rin sa City Environment and Natural Resources Office at paglilinis at pagbabakod sa buong kapaligiran ng Provincial Jail.
Kasama din sa mga rational procedures na ipinatupad nya ay ang paghigpit sa mga tauhan ng SPJ ukol sa propesyunalismo at tamang decorum sa loob ng opisina. Ipinatanggal na rin niya diumano ang bartolina dahilan sa aniya’y naniniwala siyang ang bilangguan ay hindi lamang basta dalahan ng mga nakagagawa ng paglabag sa batas kundi lugar na magbibigay pagkakataon sa mga bilanggo na makapagsisi sa nagawa nilang kasalanan at makapagbagong buhay.
Dagdag pa niya na sa istatistiko ng SPJ bago siya manungkulan ay nasa labingdalawang bilanggo ang wala sa tamang pag-iisip dala ng depresyon at pagkakahiwalay sa pamilya, subalit sa regular diumanong medikasyon at sa pagpapatupad niya ng humanitarian approach ay nagsisimula na itong manumbalik sa normal na kondisyon.
Higit din diumanong naging produktibo ang mga bilanggo sa kanilang mga livelihood programs at mas naging pursigido lalo yaong mga nag-enrol sa Alternative Learning System ng DepEd. Matatandaang noong nakaraang taon, mula sa hanay ng mga bilanggong mag-aaral ang nakakuha ng pinakamataas na marka. Sa ngayon ay may 28 mag-aaral na bilanggo ang DepEd Sorsogon ALS program. (Bennie A. Recebido, PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment