Tuesday, November 23, 2010

STATE OF CALAMITY IDINEKLARA NA SA BAYAN NG IROSIN

Tagalog News

SORSOGON PROVINCE (Nov. 23) – Matapos ang dinalang epekto sa bayan ng Irosin dahilan sa naging huling mga aktibidad ng Mt. Bulusan, tuluyan nang nagdeklara ng State of Calamity ang bayan ng Irosin.

Ito ay matapos na pirmahan ni Irosin Mayor Eduardo Ong, Jr. ang iResolution No. 96-2010 (Resolution declaring the Municipality of Irosin under a State of Calamity due to series of volcanic eruptions and continuous threat of pyroclastic flow along the rivers of the said municipality) na isinulong ng Sangguniang Bayan doon.

Ang pagdeklara ng state of calamity ay nangangahulugang magagamit na ng bayan ng Irosin ang kanilang 5% calamity fund upang mapapabilis pa nila ang pagbibigay ng tulong sa mga apektado ng bulkang Bulusan.

Ang bayan ng Irosin ang isa sa may pinakamalaking perwisyong naranasan dala ng huling mga pagbuga ng abo ng Mt. Bulusan.

Samantala, inihayag naman ni Phivolcs supervising specialist Julio Sabit na nakapagtala sila ng walong volcanic quakes sa nakalipas na dalawampu’t-apat na oras at nananatili pa rin sa Alert Level 1 ang estado ng bulkan pati na ang no-human-activity policy nila sa 4-km radius permanent danger zone.

Sinabi din ni Sabit na bagamat tahimik ngayon ang bulkan, hindi pa diumano tapos ang aktibidad nito. Maaari pa rin aniyang magkaroon ng mga kasunod na pagbuga ng abo kung kaya’t dapat na maging alerto ang lahat ng mga residente at kinauukulan lalo na yaong mga nasa prone areas ng ashfalls sa bahaging timog kanlura ng Bulusan volcano.

Dapat din aniyang sumunod sa mga advisories, palagiang maging handa sa paglikas tuwing magkakaroon ng ashfalls at may nakaantabay na mga dust masks lalo ang mga may hika, bata, matatanda at mga buntis.

Sinabi din ni Sabit na sa pinakahuli nilang pagtataya, nasa 372,000 cubic meter na abo na ang naibuga ng Mt. Bulusan. (Bennie A. Recebido, PIA Sorsogon)



No comments: