Tagalog News
SORSOGON PROVINCE (Nov. 22) – Nakatutok pa rin ngayon ang lokal na pamahalaan ng Irosin at Juban sa kalagayan ng kalusugan ng kanilang mga residente at sa estado ng kanilang agrikultura dahilan sa malaki umano ang naging epekto sa kanila ng pinakahuling aktibidad ng Bulkang Bulusan.
Matatandaang muli na namang nagbuga ng abo kahapon ng umaga, Nov. 21, ang Mt. Bulusan ng halos 2 kilometro, mas mataas kung ikukumpara sa nakaraang limang pagsabog simula noong Nobyembre 6, subalit nananatili pa rin sa Alert Level 1ang bulkan.
Maliban sa mga bayan ng Irosin at Juban, umabot din ang ashfall kahapon sa barangay Dolos, Calpi, Roxas, Bical at San Francisco sa bayan ng Bulan. Umabot sa kapal na dalawang milimetro ang nilinis ng mga bumbero sa mga pangunahing kalsada sa Bulan, Magallanes, Juban, Irosin at ilang lugar sa Casiguran.
Sa kasalukuyan ay nananatili pa rin sa Barangay Cogon Elementary School at hindi pa pinauuwi ang mga inilikas na residente mula sa Brgy. Puting Sapa sa Juban.
Habang nananatili din sa ngayon sa Gallanosa High School sa Irosin ang 225 pamilya na may 552 katao mula sa Brgy. Cogon at 32 pamilya na may 183 katao mula sa Brgy. Bolos.
Ayon kay Irosin Municipal Social Welfare Officer Ghie Martinez, nasa diskresyon ng principal ng paaralan kung magdedeklara ng cancellation of classes subalit sa ngayon ay magpapatuloy ang klase sapagkat hindi naman aniya nagamit ang lahat ng classrooms ng paaralan. Dalawampu’t tatlong mga silid-aralan lamang diumano ang gamit ngayon ng mga evacuees.
Ayon naman sa Irosin Municipal Health Office, malawak ang compound ng Gallanosa national High School at sapat din ang supply ng tubig dito. Ngunit kung matatagalan diumano ang pamamalagi dito ng mga evacuees, isa sa nakikitang magiging suliranin ay ang palikuran kaya’t kailangan anilang maglagay ng karagdagang portalets.
Samantala, sinabi naman ni Phivolcs resident volcanologist Julio Sabit na may posibilidad na masundan pa ang naganap na ash explosion kahapon dahil sa abnormal pa rin ang aktibidad ng bulkan. Subalit nilinaw niyang malayo pang mangyari ang isang major explosion ng Mt. Bulusan sa kabila ng mga naramdamang seismic activity. (Bennie A. Recebido, PIA Sorsogon/Von Labalan, PIO)
No comments:
Post a Comment