Tagalog News
SORSOGON PROVINCE (Nov. 24) – Sinimulan kahapon ng provincial government of Sorsogon katuwang ng LGU-Irosin ang paglalagay ng mga portalets o portable CRs sa mga evacuation sites partikular sa Gallanosa National High School.
Ito ang ipinahayag ni Sorsogon Governor Raul Lee bilang tugon sa panawagan ng pamahalaan ng Irosin ukol sa kakulangan ng mga CR sa kanilang evacuation center.
Dagdag pa ni Lee na naging aktibo din ang Department of Public Works and Highways 2nd District Engineering Office at Provincial Engineering Office sa pagsagawa ng dredging operations sa bayan ng Juban at Irosin partikular sa mga ilog na apektado ng mudflows.
Matatandaang sa nagging pahayag ni DPWH 2nd District Engineer Edgar Curativo na mayroong kasalukuyang nakatutok na apat na civil engineers sa mga Barangay ng Patag, Cogon, Monbon at Gulang-Gulang sa bayan ng Irosin. Ito diumano ang mga lugar na pawang delikado sa posibleng pagragasa ng lahar kung magkakaroon ng matagal at malalakas na pag-uulan.
Tiniyak naman ni Lee sa lokal na opisyal ng mga apektadong bayan na laging nakahanda ang provincial government sa pagbigay tugon sa mga suliraning idinudulog sa kanila na hindi na nakakayang gampanan ng mga LGUs dahilan na rin sa limitasyon ng mga ito sa kagamitan.
Kaugnay naman sa pag-usisa ng ilang mga taga- Bulan ukol sa kalinisan ng tubig na kanilang iniinom, tiniyak ni Bulan Mayor Helen De Castro sa kanyang mga nasasakupan na walang kontaminasyon ang tubig ng Bulan Water District dala ng pinakahuling pagbuga ng abo ng Bulkang Bulusan kung saan naapektuhan ang ilang mga barangay doon.
Samantala, pinauwi na rin ang ilang mga evacuees sa kanilang mga tahanan simula kahapon. Tanging ang mga highly vulnerable residents tulad ng mga may sakit at may hika, at mga matatanda na lamang sa ngayon ang natitira sa mga evacuation centers na papayagan lamang makauwi sakaling makakuha na sila ng clearance mula sa kanilang Municipal Health Officer. (Bennie A. Recebido, PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment