Tuesday, November 23, 2010

Pagbuga ng abo ng Mt. Bulusan noong nakaraang Linggo, mas higit na malakas


Tagalog News

SORSOGON PROVINCE (Nov. 23) – Mas higit na malakas ang nangyaring panibagong pagbubuga ng abo ng Bulkang Bulusan noong nakaraang Linggo (7: 22 AM November 21, 2010), kung ikukumpara sa volcanic activity noong nakaraang November 9, 2010.

Bukod sa 2 kilometro at mas mataas ito sa dating 1 kilometrong ibinugang abo noong nakaraang November 9, mas marami rin ngayon ang bilang ng mga apektadong barangay sa apat na mga bayan na sakop ng lalawigan ng Sorsogon, gayundin ang bilang ng mga nagsilikas na internally displaced persons (I.D.P.’s) sa mga evacuation centers.

Ang barangay Puting Sapa sa bayan ng Juban ang lubhang naapektuhan nitong pinakahuling pagbubuga ng abo ng Mt. Bulusan, kung saan mayroong pinakamaraming bilang ng I.D.P.’s. Sa kasalukuyang opisyal na talaan ng Provincial Disaster Risk Management Office-Sorsogon, 55 mga pamilya o 280 katao ang nagsilikas sa Cogon Elementary School ng nabanggit na barangay, 36 na mga pamilya o 179 katao sa Provincial Nursery at 22 mga pamilya o 97 katao sa Juban National High School. Bagama’t apektado rin ang Buraburan at Guruyan ay walang namang naitatalang I.D.P. sa nabanggit na mga barangay.

Nakapagtala naman ng 225 mga pamilya o 992 I.D.P.’s sa barangay Bolos at Cogon at 3 mga pamilya o 22 mga I.D.P.’s sa barangay Mapaso sa bayan ng Irosin. Wala ring naitatalang mga internally displaced persons sa iba pang mga apektadong barangay tulad ng Mombon, Umagon at sa Irosin Proper. Pansamantalang nanatili ang mga residente ng Bolos at Cogon sa Gallanosa High School habang ang mga taga-Mapaso ay mas piniling lumikas sa barangay hall ng San Roque sa bayan ng Bulusan, sa pag-aakalang mas ligtas sila doon.

Inabot din ng pagbubuga ng abo ng bulkan ang barangay Aquino, Sumagonsong, San Francisco, Quirino, Palale, Cadandanan, Dolos, Calpi, Roxas, Bical at ang Bulan Proper sa bayan ng Bulan at ang barangay Tula-Tula, Busay at Siuton sa bayan ng Magallanes.

Sa kabuuan, 341 mga pamilya o 1, 570 na mga internally displaced persons ang kasalukuyang nasa mga nabanggit na evacuation centers bunsod ng panibagong pag-aalburuto ng Bulkang Bulusan. (Von Labalan-PIO Sorsogon)

No comments: