Monday, December 20, 2010

BIR MULING NAGPAALALA SA MGA TAXPAYERS UKOL SA PAGBABAYAD NG BUWIS


Tagalog News

SORSOGON PROVINCE – Muling nagpaalala ang Bureau of Internal Revenue Sorsogon sa mga taxpayers na huwag nilang kalimutan ang kanilang mga obligasyon sa BIR bago tuluyang magsara ang taong 2010.

Ayon kay BIR Sorsogon Assistant Revenue District Officer Eutiquio Grajo, inaasahan na nilang nagawa na ng mga employers ang year-end tax adjustments, kung meron man, ng kanilang mga kawani lalo na doon sa localized na ang mga sweldo tulad ng DepEd, military at kapulisan, maliban na lamang, aniya, doon sa mga IBM-salaried employees kung saan ang sweldo ay manggagaling pang Manila.

Partikular ding pinapaalalahanan ni Grajo ang mga employers na eksaktuhin ang withholding tax computations ng kanilang mga empleyado upang maiwasan na rin ang pagrerefund sa BIR bagama’t tiniyak pa rin nito na sakaling hindi maiiwasang sumobra ang tax witheld ay marerefund naman ito bago ang January 25 sa susunod na taon.

Isinabay na rin niya sa kanyang mensahe ang paghikayat sa mga real property tax payers na bumisita sa kanilang local treasurers upang maka-avail ng tax amnesty at mga discounts sa mga babayaran nila sa buwis. (Bennie A. Recebido, PIA Sorsogon)




No comments: