Friday, June 17, 2011

WoW SME Diskwento Caravan inaabangan na ng mga Sorsoganon

Ni: Bennie A. Recebido

Sorsogon City, June 17 (PIA) – Hindi lamang ang kapistahan ni Sts. Peter and Paul sa darating na June 29, 2011 ang inaabangan ngayon ng mga Sorsoganon kundi maging ang pagdating ng WoW SME (Small and Medium Enterprise) Diskwento Caravan sa susunod na linggo, June 22-23.

Kaugnay nito, abala ngayon ang Department of Trade and Industry (DTI) Sorsogon bilang paghahanda kaugnay ng pagiging punong-aabala ng lalawigan sa darating na WoW SME Diskwento Caravan na gaganapin sa Aemilianum College, Inc. grounds, lungsod ng Sorsogon.

Ayon kay DTI Sorsogon Assistant Provincial Director Marnela Hernandez, nasa tatlongdaan limampu ang inaasahan nilang dadalo sa opening ceremonies sa June 22 na magmumula pa sa iba’t-ibang bahagi ng rehiyong Bicol at maging sa labas nito.

Inaasahan din ang pagdalo sa aktibidad ni USec. Merly M. Cruz, ang under Secretary ng DTI – ROG.

Samantala, inaabangan na rin ng mga lalahok ang gagawing Go Negosyo Seminar (NEGOSEM) Provincial Caravan at Project/Factory Visit na gaganapin sa kaparehong araw matapos ang maikling opening program.

Kasabay ng aktibidad ay ang apat na araw na Todo-Todo Diskwento kung saan maaaring makapamili ng mga murang groceries, school supplies, gulay at iba pang mga agricultural products. (PIA Sorsogon)







No comments: