Tuesday, July 12, 2011

Paglagay ng cross signs sa kahabaan ng Maharlika Highway prayoridad ng DPWH-S1DEO


Ni: Bennie A. Recebido

Sorsogon City, July 11 (PIA) – Prayoridad ngayon ng Department of Public Works and Highways Sorsogon 1st District Engineering Office (DPWH-S1DEO) ang paglalagay ng mga cross signs at barandilya sa kahabaan ng Maharlika Highway na sakop ng First District Engineering Office.

Ayon kay DPWH First District Engineer Romeo Doloiras, mahalagang malagyan ng kaukulang mga cross signs at barandilya ang pangunahing lansangan upang maiiwas sa panganib ang mga tao sa komunidad at maiiwas din sa mga aksidente sa lansangan ang mga motorista.

Inamin din niya na nagkakaroon ng delay sa pagpapatupad ng kanilang mga proyekto ngayon dahilan sa wala pa silang nakukuhang pondo mula sa national office.

Subalit sinabi niyang nagbigay na rin sila ng request sa DPWH Central Office para sa pagpapalabas ng kaukulang pondo para sa kanilang mga nakabinbing proyekto at tiniyak naman ng DPWH Central office sa kanila na agad nitong aaksyunan ang nasabing kahilingan.

Dagdag din niya na nag-abot na rin ng tulong si Senator Francis Escudero at Sorsogon First District Congressman Salvador Escudero III sa pamamagitan ng pagbibigay ng kaukulang pondo para sa mga proyekto ng DPWH Sorsogon 1st District Engineering Office tulad ng pagsasaayos ng Sitio Madarag Bridge sa Brgy. Guinlajon, Sorsogon City. (PIA Sorsogon)


No comments: