Thursday, September 29, 2011

BFP Sorsogon City may bagong Fire Marshal


Ni: Bennie A. Recebido

Lungsod ng Sorsogon, September 27 (PIA) – Pormal nang nanumpa sa tungkulin noong nakaraang linggo bilang bagong Fire Marshal ng Sorsogon City Fire Station si Chief Inspector Damian Jalmasco Rejano, Jr.

Pinalitan ni CInsp Rejano si dating City Fire Marshal Chief Inspector Renato Badong Marcial na ililipat na ng kanyang destino.

Maliban sa pagiging City Fire Marshal ni CInsp Rejano, ito pa rin ang tatayong Provincial Fire Marshall ng Sorsogon.

Ayon kay CInsp Rejano, dalawang posisyon man ang hinahawakan niya ngayon, tinitiyak nya sa mga taga-lungsod at sa buong komunidad ng lalawigan ng Sorsogon na hindi lamang tutuon ang mandato ng Bureau of Fire (BFP) sa pag-iwas at pagsugpo sa sunog kundi higit pa niyang palalawakin ang iba pang mga aspeto ng pagtulong tulad ng serbisyong medikal at pangkaligtasan at iba pang makakabuti sa komunidad.

Ayon pa sa kanya, magpapatuloy pa rin ang mahigpit na pagpapatupad nila ng Republic Act 9514 o mas kilala bilang Fire Code of the Philippines upang matiyak ang kaligtasan ng bawat isa at maprotektahan ang mga ari-arian para sa patuloy na pag-unlad ng ekonomiya ng lungsod.

Unang direktibang ipinalabas ng opisyal ang pag-atas sa mga safety inspector ng City Fire Station na magsagawa ng masusing inspeksyon sa sakop nilang lugar.

Binigyang-diin din nito ang kahalagahan ng pagsunod ng mga may-ari ng mga negosyo sa lungsod sa mga rekomendasyong ibinibigay ng mga fire inspector upang maiwasan ang pagkakaroon ng sunog.

Umapela din ng buong suporta, kooperasyon at tulong si CInsp Rejano sa publiko sa pagsunod sa mga adbokasiyang pangkaligtasan ng BFP upang maging fire-free community hindi lamang ang lungsod kundi ang buong lalawigan ng Sorsogon. (MGECorral, BFP/PIA Sorsogon)




No comments: