Friday, October 14, 2011

Bulusan Lake Resort higit pang pagagandahin


Ni: Bennie A. Recebido

Lungsod ng Sorsogon, Oktubre 14 (PIA) – Inihayag ni Bulusan Mayor Michael Guysayko na makakatanggap sila ng sampung milyong piso mula sa Department of Tourism para sa pagpapapaganda pa ng mga pasilidad sa Bulusan Lake resort.

Ayon kay Mayor Guysayko, nagpadala na ng mga arkitekto at iba pang mga tauhang teknikal upang tingnan at pag-aralan kung ano pang mga proyekto ang maaaring gawin para dito.

Sinabi ng alkalde na kung siya umano ang tatanungin mas irerekomenda niya ang pagsasaayos ng mga linya ng kuryente doon nang sa gayon ay makapaglagay sa nasabing lugar ng pasilidad para sa maayos na suplay ng tubig.

Dagdag din niya na kung kakayanin pa ng pondo, nais din umano nilang makabili ng mga water bikes bilang dagdag na pasilidad maliban sa mga kayak na sa ngayon ay ginagamit na ng mga dumadayong bisita sa Bulusan Lake.

Positibo si Mayor Guysayko na sa pamamagitan nito ay mapapasigla pa ang turismo sa Bulusan sapagkat hindi lamang umano nakatuon sa iisang uri ng pasilidad ang makikita at mararanasan ng mga turista maliban pa sa magkakaroon din sila ng mas maginhawang pananahan sa ipinagmamalaking Bulusan Lake ng Sorsogon. (jag/PIA Sorsogon)

No comments: