Friday, November 18, 2011

13th month pay ng mga pensioner ng SSS Sorsogon matatanggap na


Ni: Bennie A. Recebido

Lungsod ng Sorsogon, Nobyembre 18 (PIA) – Inansunsyo na ng Social Security System Sorsogon Branch sa mga pensioner nito na matatanggap na nito ang kanilang 13th month pay ngayong taon kasabay ng kanilang pension para sa buwan ng Nobyembre.

Ayon kay SSS Sorsogon Branch Manager Alberto R. Bonafe, Jr. minabuti nilang ilabas na nang maaga ang pondo upang magamit na ito ng mga pensioner bilang paghahanda sa darating na holiday season.

Sinabi din niyang taunan na nilang ibinibigay ng mas maaga ang 13th month pay upang makatulong ito sa pangangailangang pinansyal bago pa man dumating ang kapaskuhan.

Tiniyak din ni Bonafe na bukas ang kanilang tanggapan sa pag-aksyon sakaling magkaroon ng suliranin ang mga pensioner ukol sa pagtanggap ng kanilang mga benepisyo. Maging sa panig umano ng mga regular na kasapi ng SSS ay laging handang umalalay at tumulong ang SSS Sorsogon Branch sakaling may mga katanungan o reklamo ukol sa benepisyo at serbisyong ibinibigay ng SSS sa pamamagitan ng pagtawag o pagbisita sa kanilang tanggapan.

Dagdag ni Bonafe na sa ngayon ay patuloy din ang pag-aayos nila ng kanilang data base system kung kaya’t hindi pa niya matiyak ang eksaktong bilang ng mga pensioner kasama na ang mga bago ngayon dito sa lalawigan ng Sorsogon. (PIA Sorsogon)


No comments: