Monday, December 5, 2011

Masusing inspeksyon ng mga establisimyento isinasagawa ng BFP Bulan


Ni: Bennie A. Recebido

Lungsod ng Sorsogon, Disyembre 5 (PIA) – Bilang paghahanda para sa darating na renewal of business license sa taong 2012 ay sinimulan na ng Bureau of Fire Protection (BFP) Bulan ang masusing inspeksyon sa lahat ng mga establisimyento sa bayan ng Bulan na may kaugnayan sa negosyo.

Ayon kay BFP Bulan Fire Marshal Senior Fire Officer 4 Tomas D. Dio, bahagi ito ng pagbibigay sa mga may-ari ng negosyo na magkaroon ng dagliang akses sa pagkuha ng mga business permit at dagliang makapag-renew ng kanilang mga clearance kung saan magsasagawa ang BFP ng pre-inspection.

Layunin ng aktibidad na bigyan ng mas maaagang impormasyon ang mga may-ari ng establisimyento sa mga posibleng paglabag nito sa Fire Code nang sa gayon ay maisaayos o makumpleto nila ang rekisitos na hinihingi bago pa sila mag-aplay para sa panibagong business license o business permit.

Dagdag pa ni Dio na bahagi ng pre-inspection ang pagsusuri ng alarm system, fire exit, fire extinguisher at iba pang mga mahahalagang rekisitos na makakatulong upang maiwasan ang anumang insidenteng may kaugnayan sa sunog at maaaring maglagay sa panganib ng isang establisimyento.

Inatasan din ni Dio ang kanyang mga tauhan na gawing masusi ang inspeksyon sa lahat ng mga establisimyento at hiningi din ang tulong ng lahat ng mga kinauukulan na makiisa sa pagpapatupad ng Fire Code of the Philippines.

Hiningi din nito ang suporta ng publiko na tulungan ang BFP sa kanilang layuning mawala ang anumang paglabag sa Fire Safety Code sa pamamagitan ng pagsumbong sa kanila sakaling may mga alam itong establisimyentong lumalabag sa ipinatutupad na batas ng BFP.

Aniya kung hindi makikipagtulungan ang lahat, hini lamang ang kaligtasan ng establisimyento ang nakataya sakaling magkasunog kundi maging ang buhay at ari-arian ng mga karatig nito. (JAR,BFP/PIA Sorsogon)

No comments: