Thursday, January 12, 2012

Ilang sistema sa operasyon ng Philhealth muling nilinaw; pagbabago sa premium payment inanunsyo


Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, January 11 (PIA) – Muling ipinaliwanag ng pamunuan ng Philippine Health Insurance Corporation (Philhealth) ang ilang mga sistema sa kanilang operasyon upang malinawan ng mga kasapi nito ang kanilang mga obligasyon at benepisyo.

Ayon kay Philhealth Sorsogon Chief Alfredo Jubilo, may tatlong uri ng sponsored membership ang Philhealth, ito ay ang sponsorship na binalikat ng mga lokal na pamahalaan (LGU), ng Department of Health (DOH) at ng national government na may bisang isang taon at pawang natapos noong Disyembre 2011.

Nilinaw niya na sa tatlong uri ng sponsored member ng Philhealth, tanging yaong mga binalikat pa lamang ng national government ang awtomatikong na-renew habang hinihintay pa nila ang abiso mula sa dalawa pang sponsor lalo’t may nakaambang pagtaas sa premium payment at pinag-aaralan pa ng mga LGU kung kakayanin nila ang pagbalikat sa bayaring ito.

Ayon kay Jubilo, mahalagang alam ng bawat kasapi ng Philhealth ang kanilang mga obligasyon at benepisyo bilang miyembro nang sa gayon ay naiiwasan ang anumang mga suliranin at hindi pagkakaintindihan sa pagitan ng mga kasapi, ospital at tauhan ng Philhealth.

Sa iba pang mga kasapi ng Philhealth, ipinaliwanag niyang mas mainam na regular nitong binabayaran ang kanilang premium upang makakuha ng benepisyo sakaling maospital. Aniya, sa mga simpleng kaso ng pagkakaospital, ang bayad sa pinakahuling kwarter bago sila maospital ang hinihingi nila, subalit sa mga kunsideradong major cases tulad ng operasyon, hinihingi nila ang pinakahuling anim na buwan ng kanilang kontribusyon. Kung hindi umano nila ito nabayaran ayon sa hinihingi nilang panahon ng kontribusyon ay wala din itong bisa at hindi nila makukuha ang kanilang benepisyo.

Dapat din umanong mapaghandaan ng bawat mag-asawa ang pangangak at huwag hihintaying kung kailan kabuwanan na ay saka pa lamang magapapatala bilang kasapi ng Philhealth. Mas mainam umanong bago pa man mabuntis ay magpatala na agad upang makakuha ng benepisyo ng Philhealth at matulungan sila sa malaking gastusing kakaharapin sa ospital.

Samantala, kinumpirma ni Jubilo na isangdaang porsyento ang itataas sa singil ng Philhealth sa premium payment ng mga voluntary member habang tatlong porsyento naman ng basic salary ng mga empleyado ang itataas simula Hulyo ngayong taon.

Nilinaw din niyang noon pang nakaraang taon ay inanunsyo na nila ang nasabing pagtaas at nailabas na rin ito sa ilang sirkulasyon ng pahayagang nasyunal. Aniya, sinadya nilang agahan ang abiso upang hindi na magulat ang mga maaapektuhan nito sakaling ipatupad na nila ang nasabing pagtaas.

Dagdag din niya na palalakasin din nila ngayong taon ang kanilang koleksyon sa mga may-ari ng negosyo, individually paying members partikular din ang mga propesyunal tulad ng mga abogado, doktor, arkitekto at iba pa. (FBTumalad/BAR, PIA Sorsogon)

No comments: