Ni: Bennie A. Recebido
LUNGSOD NG SORSOGON, January 13 (PIA) – Nilinaw ng pamunuan ng Government Service Insurance System (GSIS) ang katanungan ng ilang mga retirado nang kasapi ng GSIS ukol sa natatanggap nilang sulat mula sa GSIS kaugnay ng “No Proportionate Pension Policy” nito.
Ayon kay GSIS Staff Officer III Raymund Fiecas, hindi dapat na mabahala ang mga ito ukol sa katotohanan ng mga ipinadalang sulat sa kanila ng GSIS na nag-aanunsyo ukol sa pag-amyenda ng GSIS sa kanilang “No Proportionate Pension Policy”.
Aniya, lahat ng mga kasapi ay pinadalhan ng sulat nang sa gayon ay personal nilang mabasa at maunawaan ang impromasyong nais maiparating sa kanila ng GSIS.
Alinsunod sa pagkaka-amyenda, ang mga pension ay kukwentahin mula sa araw ng kanilang naaprubahang pagretiro o limang taon matapos magretiro para sa limang taong kabuuang benepisyo (lumpsum benefit).
Para naman umano sa mga tumiwalag na sa tungkulin subalit nakapagbigay ng serbisyo sa pamahalaan ng labinlimang taon ngunit mas mababa sa animnapu ang edad sa araw ng kanilang pagtiwalag sa tungkulin, ang bilang ng araw na gagawing basehan sa pagkwenta ng kanilang proportionate pension ay mula sa kanilang ika-animnapung kaarawan hanggang sa huling araw ng buwan kung kailan ipinanganak ang tumiwalag na miyembro.
Malinaw umanong nakasaad sa sulat sa mga pensioner ang eksaktong halaga ng makukuha nilang benepisyo ayon na rin sa patakaran ng bagong atas at naideposito na ito ng GSIS simula pa noong ika-walo hanggang ika-labinglima ng Disyembre 2011 sa kani-kanilang Union Bank o Landbank account at maaaring kubrahin anumang araw matapos ang nasabing mga petsa sa pinakamalapit na Union Bank o Landbank ATM o iba pang mga ATM na nasa ilalim ng Megalink, Bancnet o Expressnet network.
Subalit sa karanasan ng ilang mga nagreklamong retiradong kasapi, hindi nila umano ito nakitang pumasok sa kanilang mga account.
Pahayag naman ni Fiecas na ang adjustment ay maaaring hindi nila napansin noong gumawa sila ng transaksyon sa bangko subalit maaari umano nila itong malaman sa pamamagitan ng paghingi sa bangko ng kanilang certificate of transaction, deposit o withdrawal.
Inihayag din ni Fiecas na bukas ang tanggapan ng GSIS sa sinumang may mga katanunagn o nais linawin sapagkat pangunahing hangad umano ng GSIS na patuloy na maging mapagkakatiwalaang partner hindi lamang ng mga aktibong kasapi kundi maging ng mga retiradong kasapi pagdating sa ngalan ng social security. (FBTumalad/BAR, PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment