Ni: Bennie A. Recebido
LUNGSOD NG SORSOGON, January 10 (PIA) – Isa sa mga ipinagmamalaki ngayon bilang best practice ng lungsod ng Sorsogon ay ang pagkakatatag ng Hygiene Clinic na magbibigay proteksyon sa mga kababaihang naghahanp-buhay sa mga bar lalo na sa gabi.
Ayon kay Officer-In-Charge at Senior Medical Technologist Rosanna Jordan, ang hygiene clinic ay ang kauna-unahang itinayo sa lungsod ng Sorsogon na poprotekta sa kapakanan ng mga kababaihang hindi naiiwasang maging “guest relations officer” (GRO) sa lungsod.
Aniya, lahat ng mga may ganitong uri ng trabaho ay dapat na sumailaliim sa isang check-up sa nasabing kilnika upang maisyuhan ito ng yellow card.
Abiso ni Jordan sa mga lalaking mahilig mamasyal sa mga bar na mas maiging hanapin sa mga GRO ang inisyung yellow card kung saan nakasaad doon kung kelan sila huling ineksamin at kung nagpositibo ito o hindi sa anumang virus o sakit. Nakalagay din sa yellow card ang larawan ng nagmamay-ari nito at pirmado ito ng City MedTech.
Sinabi ni Jordan na sakaling mapatunayan sa check-up na may karamdaman o positibo sa mga sexually transmitted disease ang GRO ay aabisuhan itong magpahinga na muna sa kanilang trabaho at sumailalim sa kaukulang gamutan upang muling maibalik sa tamang kondsiyon ang kanilang pangangatawan.
Kung sakali naman umanong malala na ang sakit nito ay ire-refer sila sa mas mabisang ospital upang doon magpagamot o di kaya’y tuluyan na silang patitigilin sa ganitong uri ng gawain.
Subalit nanawagan pa rin si Jordan na mas mainam pa ring maghanap ang mga ito ng ibang regular na mapagkakakitaan.
Samantala, sinabi naman ni Sorsogon City Police OIC Chief Edgardo Ardales na huhulihin at sasampahan nila ng kaukulang kaso ang mag kalalakihang mahuhuling nakikipagtalik sa mga GRO, sapagkat aniya’y protektado ang mga GRO ng batas. Sa ganitong mga pagkakataon ay kinukunsidera silang biktima ng isang pagsasamantala o pang-aabuso.
May mga regular ding tauhan ang City Social Welfare and Development Office na bumibisita sa mga bar upang hikayatin ang mga ito na regular na magpasuri lalo na ngayon na mayroon nang hygience clinic ang lungsod. (FBTumalad/BARecebido, PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment