Monday, January 9, 2012

PDRRMC nananatili ang abiso sa mga residente na mag-ingat dala ng pabago-bagong kondisyon ng panahon


Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, January 9 (PIA) – Nananatili ang mahigpit na abiso ng Sorsogon Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC) sa mga residente sa buong lalawigan lalo na sa mga nakatira sa mga kostales at mababang lugar na maging alerto at mag-ingat sa maaaring maging epekto ng mga pag-uulan sa lalawigan.

Sa obserbasyon, mas nagiging pabago-bago na ang panahon ngayon kung saan bigla na lamang bubuhos ang malakas na ulan na nagiging sanhi upang dagliang tumaas ang tubig at magdulot ng mga malalakas na pag-agos ng tubig sa mga ilog.

Mahigpit din ang abiso ng PDRRMC sa mga nakatira malapit sa paanan ng mga bundok sapagkat anila’y dahilan sa palagiang pag-uulan ay nagdudulot ito ng paglambot ng lupa na maaaring pagsimulan ng mga pagguho ng lupa.

Ang abiso ay kaugnay pa rin ng forecast ng Philippine Atmospheric Geophysical Astronomical Services Administration (PAGASA) na magpapatuloy pa hanggang sa susunod na mga araw at linggo ang pag-uulan dala ng hanging amihan.

Maging ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ay mahigpit din ang panawagan sa mga residente lalo ang malalapit sa Bulkang Bulusan na mag-ingat sa mga lahar flows sapagka’t hanggang sa ngayon ay hindi pa rin humuhupa ang aktibidad ng Bulkang Bulusan kung saan sa nakalipas na dalawampu’t-apat na oras ay nakapagtala na naman ito ng apat na mga pagyanig.

Sa tala ng Mines and Geosciences Bureau (MGB) walong mga bayan sa Sorsogon ang kunsideradong flood-prone areas habang tatlo naman ang kunsideradong landslide-prone areas. Partikular na pinangalanan ng MGB ang mga bayan ng Irosin, Juban at Donsol sa mga madaling bahaing mga lugar sa Sorsogon habang kabilang din ang Bacon District sa Sorsogon City at bayan ng Magallanes sa mga landslide-prone areas. (PIA Sorsogon)

No comments: