Thursday, January 12, 2012

K+12 program mula Grade 1 hanggang Grade 7 ipatutupad na ngayong taon


Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, January 12 (PIA) – Inihayag ni Department of Education (Deped) Bacon District Division Head Leon Gaon na ipatutupad na ngayong taon ang bagong kurikulum ng Deped na K+12 mula sa Grade 1 hanggang Grade 7 o unang taon sa hayskul.

Aniya madadagdagan na ng dalawang taon ang basic education curriculum sa bansa subalit hindi umano ito dapat na ikalungkot ng mga magulang at mag-aaral sapagkat kung titingnan sa positibong perspektibo, mas mapapataas pa ng programang K+12 ang antas ng kalidad ng mga mag-aaral at ng basic education sa bansa.

Ipinaliwanang niyang ang dalawang taong madadagdag sa pag-aaral ay matapos ang apat na taong programa sa hayskul kung saan tatawagin itong senior high school.

Sa pamamagitan umano ng programang ito ay makakasabay na ang mga mag-aaral sa Pilipinas sa ibang bansa sa Asya na may kahalintulad na kurikulum. Kadalasan umanong nagiging hadlang sa paghahanap ng maayos na trabaho sa ibang bansa ng mga Pilipino ang kakulangan sa bilang ng taon ng pag-aaral sa basic education.

Isa din umano sa magandang adhikain ng programa ang matugunan ang suliranin sa mataas na bilang ng mga bumibitiw sa kalagitnaan ng pag-aaral na karaniwang kawalan ng kaalaman ang idinadahilan sa dami ng pinag-aaralan at kawalan na rin ng interes.

Matatandaang sinimulan na noong nakaraang taon ang universal kindergarten program at ipatutupad naman sa 2016 ang Grade 11 o high school year 5 at Grade 12 o high school year 6 sa taong 2017. Nakatakdang magtapos ang unang batch ng mga mag-aaral sa ilalim ng K+12 program sa taong 2018.

Binigyang-diin din niya na idinisenyo din ang programa sa interes ng mga mag-aaral at makakapamili ito mula sa kanilang mga elective subject ayon sa interes nila kung saan pagkatapos ng hayskul ay maaari na nilang magamit upang makahanap ng mapagkakaitaan sakaling hindi na sila makakapagpatuloy pa ng pag-aaral sa kolehiyo. (PIA Sorsogon)

No comments: