Ni: Bennie A. Recebido
Lungsod ng Sorsogon, Pebrero 15 (PIA) – Kaugnay ng napipintong pagtatayo ng isang gusaling may dalawang silid-aralan, isinagawa ng 903rd Philippine Army sa Brgy. Cabarbuhan, Bacon District, Sorsogon City ang “Ugnayan sa Barangay” noong Sabado, Pebrero 11, 2012.
Pinangunahan ni Col Felix J Castro Jr, pinuno ng 903rd Infantry (Fight and Defend)) Brigade ang ginawang Ugnayan sa Barangay kasama ang iba’t ibang mga kinatawan pamahalaan lokal ng Barangay Cabarbuhan sa pangunguna ni Brgy. Chairman Abraham L. Bolaño , mga kasapi ng konseho sa barangay, naroroon din sina City DepEd Education Supervisor for Physical Facilities Nestor Detara, Sorsogon City Information Officer Manny Daep, mga guro ng Mababang Paaralan ng Cabarbuhan sa pangunguna ng School Principal, Binibining Maria Nida Rocha, mga magulang ng mga mag-aaral, mga residente sa barangay at iba pa.
Layunin nitong maiprisinta sa mga kinauukulan ang mga mahahalagang detalye ng itatayong dalawang silid-aralan na manggagaling sa grupo ng ABS CBN Sagip Kapamilya Foundation, Inc na pinamumunuan ni Binibining Tina Monson Palma kungsaan ito ang bibili ng lahat ng kakailanganing mga construction materials sa pagpapatayo ng gusali.
Gagabayan naman ng 903rd Brigade sa tulong ng 565th Engineering Construction Battalion ng Philippine Army ang proyekto mula simula hanggang sa ito’y matapos.
Ang Lungsod ng Sorsogon ang siyang sasagot sa gastusin sa paggawa o labor cost ng ipapatayong mga silid aralan alinsunod sa nakasaad sa Sanguniang Panlunsod Resolution No. 036 Serye 2012 ng Fourth City Council na isunulong ni City Councilor Ma. Charo L. Dichoso noong Febrero 7, 2012.
Sa pamamagitan ng isang open forum ay nabigyang linaw ang ilang mga katanungan ng mga residente sa barangay at naipaabot din sa kanila na ang pagpapatayo ng karagdagang gusali sa mababang paaralan ng Cabarbuhan ay bilang tugon sa dumaraming bilang ng mga mag-aaral doon.
Matatandaang noong 2011ay nagpatayo rin ng ganitong proyekto ang ABS CBN Sagip Kapamilya Foundation Inc. at LGU ng Castilla katuwang ang 903rd Brigade sa Barangay Pandan, Castilla, Sorsogon at sa Brgy Cabangcalan, Aroroy, Masbate katuwang din ang LGU ng Aroroy. (903rd, Inf Bgde, PA/BARecebido, PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment