Ni: Bennie A. Recebido
LUNGSOD NG SORSOGON, May 17 (PIA) –
Hinikayat ng Technical Education Skills and Development Authority (TESDA) hindi
lamang ang mga Sorsoganon kundi maging ang buong sambayanan na ksumailalim at
kumuha ng Competency Assessment and Certification na ibinibigay ng kanilang
tanggapan.
Ang Competency Assessment and Certification
program ng TESDA ay kumikilatis sa kasanayan at kagalingan ng isang tao upang
mas mapataas ang kanyang tsansang makahanap ng trabaho sa loob o labas man ng
bansa.
Maaaring kumuha nito anumang oras na may
opisina subalit mas magandang naipagbibigay-alam muna ito sa tanggapan ng TESDA
upang mas maihanda ang mga kukuha ng assessment certificate.
Matatandaang sa naging pagbisita rin ni
TESDA Secretary Joel Villanueva noong nakaraang Abril dito sa Sorsogon,
binigyang-diin nito ang kahalagahan ng pagkakaroon ng National Certificate (NC)
o Certificate of Competency (CoC) dahilan sa patuloy na pagdami ng mga kumpanya
at kliyenteng naghahanap ng ganitong sertipikasyon bago ibilang ang isang
aplikante para sa isang trabaho.
Sa mga nagnanais na mag-aplay para sa
Competency Assessment and Certification ay dapat na 1) magsadya ang mga ito sa
alinmang TESDA Accredited Assessment Center o di kaya’y TESDA District o
Provincial Office na pinakamalapit sa kanilang lugar; 2) dalhin ang mga
sumusunod na dokumento: Application Form na may kumpletong lagda;
Self-Assessment Guide para sa napiling kwalipikasyon na may tamang datos at
kumpletong lagda; tatlong pirasong colored at passport size na larawan na may
puting background, suot ang may kwelyong pantaas at may pangalan sa likuran ng
larawan; 3) Bayaran ang Assessment Fee sa kahera ng Assessment Center at hingin
ang opisyal na resibo; 4) Dumating sa nakatakdang araw at lugar ng assessment
na nasasaad sa admission slip.
Ayon sa pamunuan ng TESDA Sorsogon, may mga
pagkakataon nagbibigay ng libreng assessment ang TESDA kung kaya’t dapat lamang
palagiang makinig sa kanilang mga anunsyo o magtanong sa kanilang tanggapan ng
mga updates upang makatipid sa gastusin.
Ang Competency Assessment Result Summary
(CARS) ay ibibigay sa nag-aplay pagkatapos ng assessment. Dapat din umanong
mag-aplay para sa Certification sa TESDA District o Provincial Office kung saan
nabibilang ang Assessment Center na pinagkukunan ng assessment. Ang NC o CoC ay
makukuha makalipas ang pitong araw matapos magsumite ng aplikasyon at ire-renew
ito sa araw o bago ang araw ng kawalaang-bisa nito, limang taon mula nang ito
ay maibigay sa aplikante.
Sa Sorsogon, ilan sa mga assessment centers
ng TESDA ay ang Bulusan National Vocational Technical School sa San Jose, bayan
ng Bulusan; AMA Computer College sa Sorsogon City at Sorsogon State
College-Castilla Campus sa Castilla, Sorsogon. (BARecebido, PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment