Monday, December 3, 2012

Rehabilitasyon ng kalsada patungong Irosin-Sn Roque-Bulusan Lake tapos na - DPWH




Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, Nobyembre 3 (PIA) – Magiging maginhawa na ngayon ang mga motoristang dumadaan sa kalsadang patungong Irosin-San Roque-Bulusan Lake makaraang ihayag ni Department of Pulic Works and Highways Sorsogon 2nd District Engineering Office (DPWH-S2 DEO) District Engineer Juanito Alamar na tapos na ang ginawang rehabilitasyon nito.

Matatandaang makailang ulit na ring inirereklamo ng mga motorista maging ng mga dumadayong turista ang baku-bakong kalsada dito kung kaya’t ibinilang ito sa mga prayoridad na proyekto ng DPWH ngayong taon.

Ayon kay Alamar, Setyembre 17, 2012 nang tuluyang matapos ang proyekto na pinondohan ng P35,902,000.00 sa ilalim ng DPWH Regular Program para sa kasalukuyang taon.

Dagdag pa ni Alamar na mahalaga ang pagkakagawa ng kalsadang ito para sa mga residente ng bayan ng Irosin, Bulusan, Barcelona at Gubat sapagkat ito ang pangunahing kalsadang nagdudugtong sa nasabing mga bayan. Dito rin dumadaan ang mga magsasakang nais dalhin ang kanilang produkto sa bisinidad ng mga nabanggit na bayang ito.

Malaki din umano ang naging pasasalamat ng mga residente at opisyal ng Barangay San Roque lalo pa’t ito ang pinakamalapit na barangay sa mga establisimyento at tanggapan ng pamahalaan ng mga bayan ng Bulusan at Irosin.

Maging ang mga turistang dumadayo dito patungo sa Bulusan Lake at Bulusan Lake Natural Park ay hindi na rin umano magrereklamo at makagiginhawa na sa kanilang pagbibyahe.

Makikinabang sa kalsada ang mahigit 10 mga barangay sa apat na mga bayang ito kung saan dumadaan ang karamihang mga residente papunta sa paaralan, trabaho at yaong mga magdadala ng mga produktong agrikultural papunta sa pamilihang bayan. (BARecebido, PIA Sorsogon/HDeri, DPWHS2DEO)

No comments: