Wednesday, January 16, 2013

Mahigit 2,000 residente ng Irosin nakabenipisyo sa medical mission



Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, Enero 16 (PIA) – Mahigit dalawang libong mga residente ng Brgy. Gabao, Irosin, Sorsogon ang nakabenipisyo sa isinagawang medical mission, feeding program at iba pang serbisyo na pinangunahan ng UNTV sa pakikipagtulungan sa 31st Infantry Batallon ng Philippine Army na pinamumunuan ni Lt. Col. Teody Toribio.

Suportado din ang aktibidad ng 903rd Infantry Brigade ng Philippine Army sa pamumuno ni Commanding Officer Joselito E. Kakilala, mga opisyal ng Brgy. Gabao, mga guro ng Gabao National High School at iba pang mga stakeholder.

Ayon kay Capt. Arnel Sabas, Civil Military Operations Officer ng 903rd Inf Bgde, ilang mga doktor at narses mula sa ospital ng 9th Infantry Division at Rural Health Unit ng Irosin ang nagsagawa ng medical, dental at optical operations sa mga residente.

Karamihan umano sa mga ipinasuri ng mga residente ay ang sakit sa ngipin, malabong paningin, ubo, sipon at lagnat.

Nabigyan ng benepisyong medikal ang 716 na mga residente, dental - 137, optical – 469, libreng gupit – 95, nagpamasahe – 35 at 655 naman ang nabiyayaan sa feeding program kung saan pinakain ang mga ito ng masarap na lugaw.

Sa naging pahayag naman ni Commanding Officer Joselito E. Kakilala ng 903rd Infantry Brigade, pinakasuporta nila sa ganitong aktibidad ang pagtukoy ng mga lugar kung saan higit na kailangan ang medical mission base na rin sa ipinaabot na impormasyon at berepikasyon nila. At sa pakikipagtulungan sa iba’t-ibang mga organisasyon o grupo tulad ng UNTV ay nakapagsasagawa sila ng ganitong aktibidad. (BARecebido, PIA Sorsogon)




No comments: