Ni:
Bennie A. Recebido
LUNGSOD
NG SORSOGON, Hulyo 16 (PIA) – Isa ang lalawigan ng Sorsogon sa mga nasa listahan
ng Department of Interior and Local Government (DILG) na nakapasa sa 1st level
assessment para sa “Seal of Disaster Preparedness”.
Ito
ang inihayag ni Public Information Officer Von Andre Labalan ng Provincial LGU
base sa inilathala ng Regional Development Council sa Bicol Development Updates
Volume III Number 2 nitong Hunyo 2013.
Aniya,
layunin ng pagbibigay ng DILG ng Seal of Disaster Preparedness sa mga Local
Government Unit (LGU) ay upang mas mahikayat ang mga ito na bigyang prayoridad
ang kahandaan at pagtugon sa mga panahong may kalamidad.
Matatandaang
tinututukan ngayon ng administrasyon ni Pangulong Benigno Aquino III ang
pagbibigay ng kaukulang insentibo para sa mga lokal na yunit ng pamahalaan na
may magagandang programa at pagpapatupad ng Disaster Preparedness.
Nahahati
sa dalawang bahagi ang pagtatasa bago tuluyang igawad ang Seal of Disaster
Preparedness sa isang LGU.
Para
sa unang bahagi ng assessment, tatasain ang LGU ayon sa kahandaan nito sa
kalamidad at dapat na malinaw ang mga sumusunod: leadership structure kung saan dapat na may organisadong Disaster Risk Reduction and Management
Office ito; guide to action o may
ginawang risk assessment and mapping, institutionalized planning and budgeting;
at disaster preparedness na
kinapapalooban ng contingency planning, early warning and evacuation alert
system, preemptive evacuation, stockpiling and equipping, technical competency
at community awareness.
Ayon
kay Department Head Engr. Raden Dimaano ng Sorsogon Provincial Disaster Risk
Reduction and Management Office (SPDRRMO), ang lahat ng nabanggit na istandard
ay pawang nagawa ng kanilang tanggapan na kinumpirma naman ng DILG-Sorsogon
kung kaya’t nakapasa sila para sa 2nd level assessment ng Seal of
Disaster Preparedness.
Sa
pangalawang bahagi, tatasain naman ang LGU alinsunod sa mga sumusunod na
criteria: search and rescue na
kinapapalooban ng trained personnel, response time, equipage, at zero-casualty;
at evacuation center management kung
saan dapat na mayroon ito ng maayos na patutuluyan sa mga evacuees, may
kuryente, sapat na suplay ng pagkain at tubig, maayos na health and sanitation,
counseling, at trained center management personnel.
Ayon
naman sa ulat ng DILG, matapos na pumasa ang LGU-Sorsogon sa first level
assessment, kukumpirmahin ito ng DILG Central Office at ito rin ang pipili ng
LGU na makakasama sa pinal na listahan ng mga makakapasa.
Ang
LGU na papasa sa level II assessment ang gagawaran ng Seal of Disaster
Preparedness at makakatanggap din ito ng disaster management fund o insentibo.
Ang
lalawigan ng Sorsogon ang isa sa ilang mga lalawigan sa bansa na konsideradong
multiple-hazard area o lugar na may mataas na kalantaran sa iba’t-ibang uri ng
kalamidad tulad ng bagyo, baha, tsunami, pagsabog ng bulkan, pag-agos ng lahar,
pagguho ng lupa at iba pa.
Matatandaan
ding noong Hunyo 2012, isa ang lalawigan ng Sorsogon sa 79 na LGU na nagawaran
ng Seal of Good Housekeeping (Bronze Level) ng DILG. (BARecebido, PIA
Sorsogon/PIO)
No comments:
Post a Comment