Tuesday, July 23, 2013

SONA ni Pangulong Aquino mapayapang inabangan ng mga Sorsoganon; mga reaksyon inilahad



Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, Hulyo 23 (PIA) – Payapang inabangan ng mga Sorsoganon kahapon ang ika-apat na State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Benigno Aquino, III.

Taliwas sa naganap na karahasan sa Quezon City sa pagitan ng mga raliyista at ng kapulisan, naging tahimik naman ang mga progresibong grupo dito at walang pagmamartsa o aktibidad na ginawa sa lansangan, subalit inabangan at pinakinggan din ng mga ito ang SONA ng Pangulo.

Ayon kay Public Information Officer PCinsp Nonito F. Marquez ng Sorsogon Police Provincial Office, payapa sa kabuuan ang lalawigan ng Sorsogon kahapon at wala silang naitalang anumang mga kaguluhan o negatibong insidente kaugnay ng aktibidad ng SONA.

Umani din ng positibong reaksyon mula sa karamihan ng mga Sorsoganon ang pinakamahabang SONA ng Pangulo kahapon lalo pa’t may ilan ding mga isyung inaabangan dito na napasadahan din ng Pangulo tulad na lamang ng retirement sa hanay ng mga kapulisan, estado ng edukasyon at employment generation sa kasalukuyan, disaster management at illegal fishing.

Sa sampung mga nanood na kinapanayam ng PIA Sorsogon matapos ang SONA kahapon na kinabibilangn ng tatlong kasapi ng media, isang guro, dalawang drayber, isang street vendor, isang canteen owner at dalawang empleyado ng pamahalaan, pito sa mga ito ang nagsabing aprubado sa kanila ang mga inilahad ng Pangulo sa kanyang SONA. May nagawa din daw talaga ang administrasyon ng Pangulo.

Halos lahat naman ay nagsabing aabangan nila ang natitira pang kalahating termino ng panunungkulan ng Pangulo lalo na ang mga hakbang na gagawin niya upang maituwid ang mga tiwaling lingkod bayan na ayaw talikuran ang kultura ng “wang-wang”.

Ayon naman kay Catholic Bishop Conference of the Philippines (CBCP) Episcopal Commission on Mission Chair at Sorsogon Bishop Arturo Bastes, masaya siyang pinagkakatiwalaan ngayon ng mga mamamayan ang Pangulo, subalit hindi umano sapat ang mataas na trust rating lamang, marami pa rin ang mga dapat gawin.

Aniya, dapat na natutukan ng Pangulo kung ano pa ang mga dapat gawin sa mga nasa hanay ng sektor ng agrikultura at hindi lamang tumuon sa pagpapalago ng mga industriya. Aminado ang Obispo na magandang hakbang ang pagpapakilala ng intercropping, subalit malaking capital ang kakailanganin nito at hindi ito kaya ng ordinaryo at mahihirap na cocotero o magsasaka lalo na pagdating sa teknolohiya. Dapat umanong nakatuon ang programa sa mga walang kakayahan o mahihirap na mga magsasaka kasama na rin ang mga maliliit na mga mangingisda.

Sa pahayag naman ng ilan pa, halos lahat ay nagsabing narinig na nila ang salitang SONA subalit hindi nila alam ang eksaktong ibig sabihin nito, ang alam lamang nila diumano ay paglalahad ito ng Pangulo ng kanyang mga nagawa sa panahon ng kanyang panunungkulan sa loob ng isang taon.

May iba ding nagtatanong kung bakit mayroong fashion show na inaabangan. Ayon sa isang street vendor, base umano sa kanyang pagkakaintindi, ang fashion show na ginagawa sa SONA ay isang intermission number.

May ilan ding nagsabi na wala silang panahong makinig sa SONA dahilan sa busy sa paghahanap ng kabuhayan habang isa naman ang nagsabing hindi sya nakikinig dito dahil taga-hugas lang naman siya ng plato at tagaluto.

Nabigo naman ang ilan sa pananahimik ng Pangulo sa usapin ukol sa umento sa sahod at pagbaba ng presyo ng produktong petrolyo habang may ilan namang naghanap ng mas malinaw pang programa ng Pangulo para sa natitira pa niyang tatlong taong panunungkulan. Hindi umano malinaw ang senaryo kung anong uri ng Pilipinas ang tinatahak ng “Daang Matuwid” pagdating ng 2016 bago siya bumaba sa kanyang panunungkulan.

Maraming mga reaksyon ang maaari pang maglabasan, subalit nagsisimulang maging bukambibig na ngayon ng mga Sorsoganon ang panghuling mensaheng binitiwan ng Pangulo: “Ako po si Noynoy Aquino, ipinagmamalaki ko sa buong mundo, Pilipino Ako. Napakasarap maging Pilipino sa panahong ito.” (BARecebido, PIA Sorsogon)

No comments: