Thursday, November 8, 2012

“Bike for Fun” tampok sa Sosogon Festival



Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, November 8 (PIA) – Isa sa aabangan sa darating na Sosogon Festival ng lungsod ng Sorsogon ngayong Disyembre ay ang “Bike for Fun” na pangungunahan ng City Environment and Natural Resources Office (CENRO).

Tinagurian ding “Piridalan Para sa Kalikasan”, layunin ng aktibidad na magbigay ng kasiyahan sa mga Sorsoganong mahihilig magbisikleta maging ito man ay gamit nila para sa kanilang transportasyon o pag-eehersisyo.

Sa isinagawang inisyal na pagpupulong kahapon mga kinatawan mula sa mga piling departamento at ahensya ng pamahalaan, pinag-usapan ang ilang mahahalagang detalye tulad ng mga komitibang tagapagpatupad, rutang pagbibisekletahan, seguridad ng mga lalahok at iba pa upang maging maayos at matagumpay ang gagawing aktibidad.

Ayon kay presiding officer at co-event head Tito Fortes, bukas ang “Bike for Fun” sa mga Sorsoganong nakatira sa loob o labas man ng lungsod ng Sorsogon mula edad 12 pataas.

Dalawang kategorya ang maaaring salihan ng mga lalahok, ang 40-km at 25-km.

Nilinaw din ni Fortes na ang gagawing “Bike for Fun” ay hindi karera kundi isang caravan ng kasiyahan gamit ang bisekleta.

Lahat umano ng mga makakatapos ng 40-km at 20-km ay kwalipikadong lumahok sa mga kasiya-siyang mga palaro o “Fun Games”. Kabilang sa mga larong ito ay ang ‘One-legged Race’, ‘Angkas Mo Baby’, ‘Camote Mo Baby’, ‘Pahabaan Contest’, ‘Pabaragalan Relay’, ‘Water Fetching Relay’, Baloon and Bike Relay’, at marami pang iba.

Sa ngayon ay patuloy pa ring hinihikayat ang mga Sorsoganong nais sumali sa “Bike for Fun” na magparehistro na at makipag-ugnayan sa numerong 0915-4020067 para sa iba pang mga detalyeng nais malaman. (BARecebido, PIA Sorsogon)

Wednesday, November 7, 2012

Diabetes at Hypertension pangunahing sanhi ng sakit sa bato; Sorsogon City nangunguna sa listahan ng may dialysis patients



Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, Nobyembre 7 (PIA) – Inihayag ni National Kiney and Transplant Institute (NKTI) fellow at nephrologist, Dr. Jose Emmanuel S. Cabildo na nangunguna sa mga sakit na nagbibigay panganib sa kidney hindi lamang sa bansa kundi maging sa lalawigan ng Sorsogon ang diabetes, hypertension o high blood at ang pamamaga ng bato.

Walumpung porsyento umano sa mga may sakit sa bato ay diabetic.

Maging ang pagkakaroon ng salt-overload o pagkakaroon ng mataas na lebel ng asin sa katawan ang isa rin sa mga pinag-uugatan ng Urinary Track Infection at hypertension na nagiging dahilan din upang magkaroon ng sakit sa bato.

Paliwanag niya na dapat na magkaroon ng tamang suplay ng tubig sa katawan yaong mga wala pang sakit sa bato sa pamamagitan ng pag-inom ng walo hanggang sampung baso ng tubig araw-araw. Kung normal umano ang bato o kidney, lahat ng mga sobrang nakain at lason sa katawan ay ilalabas ng kidney sa pamamagitan ng pag-ihi o pagdumi.

Sa pangkalahatang datos sa bansa, ika-lima ang Bicol sa may pinakamataas na bilang ng mga pasyenteng dina-dialysis. Nitong 2011 ay umabot na sa 290 ang bilang ng mayroon nang malalang sakit sa bato sa buong rehiyon ng Bicol at 20 porsyento nito ay galing sa Sorsogon.

Batay naman sa pinakahuling tala ng Sts. Peter and Paul Hospital Hemodyalisis Center sa Sorsogon, ang Sorsogon City ang may pinakamataas sa bilang na sampu ng mga pasyenteng sumasailalim sa dialysis kung saan tatlo nito ay mula sa Bacon District. Sinundan ito ng bayan ng Gubat na may siyam na pasyente, walo sa Irosin, pito sa Barcelona, parehong lima mula sa bayan ng Casiguran at Bulusan, kapwa dalawa naman sa Magallanes at Prieto Diaz habang tig-iisang pasyente naman mula sa mga bayan ng Bulan, Juban at Sta. Magdalena.

Binigyang-diin ni Cabildo na unhealthy lifestyle o hindi maayos na paraan ng pamumuhay at kapabayaan pa rin ang pangunahing dahilan kung bakit kadalasang nasisira ang bato ng isang tao kung kaya’t dapat na nagkakaroon ng wastong kaalaman ang publiko ukol sa pag-iwas sa sakit sa bato.

Aniya, ang diabetes at hypertension ay mga sakit na namamana kung kaya’t mahalagang alam ng isang tao ang kasaysayang medikal ng kanyang pamilya. Dapat din aniyang sumasailalim sa regular na pagsusuri ng dugo at ihi minsan sa isang taon ang isang tao upang malaman ang kondisyon ng kanyang bato at regular ding subaybayan ang blood pressure. Kunsiderado umanong normal ang 120/80 na blood pressure ng isang tao.

Ayon kay Cabildo, sa kasalukuyan ay walong mga munisipyo sa buong lalawigan ang nalibot na nila upang magbigay ng mga impormasyon sa mga residente at matukoy sa maagang panahon ang mga taong maaring mayroon nang sakit sa bato nang sa gayon ay mabigyan ng kaukulang medikasyon at maagapan ang posibleng paglala at tuluyang pagkasira ng kanilang mga bato. (BARecebido, PIA Sorsogon)


Tropa ng 31st IB at NPA nagka-enkwentro



Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, November 7 (PIA) – Isang enkwentro sa pagitan ng mga militar at rebeldeng NPA ang naganap bandang alas-singko y medya ng umaga kanina.

Ayon kay Lt. Col. Teody Toribio, Commanding Officer ng 31st Infantry Batallion (IB) na nakabase sa Juban, Sorsogon, nakaenkwentro ng grupo ng 31st IB sa pangunguna ni 2nd Lt. Flauta ang mahigit-kumulang sa 20 mga rebelde sa bisinidad ng Sitio Marinas, Brgy. Boton sa bayan ng Casiguran, Sorsogon.

Matapos ang 20 minutong palitan ng putok sa pagitan ng mga rebelde at militar ay agad na umatras ang mga NPA kung saan narekober ng tropa ng mga sundalo ang isang Motorola hand-held radio, mga CD, backpack na naglalaman ng dokumento at personal na gamit ng mga NPA, tatlong landmines at mga kable ng kuryenteng gamit pampasabog.

Sa inisyal na ulat, wala namang naitalang patay o sugatan sa panig ng pamahalaan habang hindi naman matiyak sa bahagi ng mga rebelde subalit may mga bakas ng dugong nakita sa lugar kung saan umatras ang mga ito.

Ayon kay Toribio, mga civilian ang nagpaabot sa kanila ng impormasyon na may presensya ng mga rebeldeng NPA sa nasabing lugar.

Patuloy pa rin ang tropa ng pamahalaan sa pagtugis sa mga tumakas na rebelde. (BARecebido, PIA Sorsogon)

Tuesday, November 6, 2012

Sorsogon nananatiling ligtas sa lason ng red tide


Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, Nobyembre 6 (PIA) – Ligtas pa rin hanggang sa ngayon ang katubigan ng look ng Sorsogon laban sa lason ng red tide.

Ito ang magandang balita matapos na ilabas ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ang pinakabagong Shellfish bulletin No. 25 nito na may petsang Oktubre 25, 2012, kung saan nananatiling ligtas kainin ang mga lamang-dagat mula sa katubigan ng Juag Lagoon sa Matnog at Sorsogon Bay sa Sorsogon dahilan sa pagiging negatibo nito sa red tide.

Habang pinag-iingat naman ang publiko sa pagkain ng mga lamang-dagat gaya ng tahong at talaba na makukuha sa mga karagatang sakop ng Dumanquillas Bay sa Zamboanga del Sur, Murcielagos Bay sa Zamboanga del Norte at Misamis Occidental dahilan sa pagiging positibo pa rin nito sa red tide.

Ang deklarasyon ay nangangahulugang ligtas na rin ang buong katubigan ng Bicol region mula sa nakalalasong red tide at maging ang iba pang mga lugar na una nang idineklara ng BFAR na positibo sa red tide toxin.

Subalit sa kabila nito ay mahigpit pa rin ang babala ng Department of Health sa publiko na mag-ingat pa rin at iwasan ang pagkain ng mga lamang-dagat na nabilad na sa araw o di kaya’y bilasa na.

Ang pusit, hipon, ali­mango at isda ay dapat na alisan ng hasang at bituka at linising mabuti bago lutuin at kainin.

Samantala, patuloy na tinatamasa ngayon ng mga Sorsoganon ang mayamang ani ng baloko, baduy at iba pang mga lamang-dagat mula sa katubigan ng Sorsogon Bay at iba pang mga lugar dito, dangan nga lamang at hindi na naibalik pa ang kaparehong sigla ng industriya ng tahong matapos na bumagsak ito mahigit dalawang taon na ang nakararaan dahilan sa perwisyong dinala ng red tide. (BARecebido, PIA Sorsogon)

Opisyal na mga drayber ng Municipal at City Police Station sa Sorsogon NC II Accredited na ng TESDA


Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, November 6 (PIA) – Pumasa ang lahat ng mga itinalagang official driver ng sasakyan ng mga Municipal Police Station at City Police Station ng Sorsogon Police Provincial Office (SPPO) sa isinagawang Competency Assessment ng Technical Education Skills Development Authority (TESDA).

Ang nasabing mga opisyal na drayber ay makakakuha ng Driving National Certification (NC ll) mula sa TESDA.

Ang Competency Assessment ay naisakatuparan sa kahilingan na rin ng Sorsogon Police Provincial Office kaugnay ng pagsasagawa nito ng Pagsasanay para sa Preventive Maintenance ng lahat ng sasakyan ng PNP kasama na rin ang pagsasanay para sa Defensive Driving noong Oktubre 30, 2012 sa Camp Salvador C. Escudero Sr. Sorsogon City.

Naroroon sa aktibidad sina PSupt Angela Q. Rejano, Administrative Officer ng SPPO upang magbigay ng pambungad na pananalita at si PSupt Robert AA Morico II, Deputy Provincial Director for Administration upang magbigay naman ng mensahe at inspirasyon.

Sina Ginoong Ricardo Detecio, Robert Chil at Dante Desuyo ang nagsilbing kinatawan ng TESDA Sorsogon Field Office at siya ring naging lecturer at tagapagsanay sa nasabing aktibidad.

Ayon sa mga ito ang Defensive Driving ay ang pagsasagawa ng mga kaukulang pamamaraan upang maiwasan ang anumang aksidente sa lansangan sa kabila ng kamalian o paglabag ng ibang motorista at mga tumatawid sa kalsada.

Ang Defensive Driver naman umano ay dapat na tinitiyak na nasa maayos at ligtas na kondisyon ang minamaneho niyang sasakyan. (BARecebido, PIA Sorsogon/Photos by SPPO)