Tuesday, February 9, 2010

News Release

MGA SULIRANIN SA PANGINGIBANG-BANSA TINALAKAY NG CFOs

SORSOGON PROVINCE (Feb 8 – Hitik sa mga impormasyon at makabuluhan ang naging talakayan sa isinagawang press briefing ng Commission on Filipinos Overseas sa mga kinatawan ng media dito sa Sorsogon noong nakaraang linggo.

Sa pangunguna ni Cindy San Pedro at Geronico Herrera, kapwa IEC program officers ng Commission on Filipinos Overseas, naabot nito ang kanilang layuning maipaalam sa mga kasapi ng media ang mga pangunahing suliraning kinakaharap ng mga Pilipinong nangingibang-bansa, ito ay upang maipaabot din ang impormasyon sa pamamagitan ng panulat at broadcast sa mga kababayan nating naririto pa ngayon subalit nagbabalak manirahan o magtrabaho sa ibang bansa.

Kabilang sa mga pangunahing suliraning tinalakay ay ang kawalan ng trabaho ng karamihan sa mga nangibang-bansa at ang pang-aabuso at diskriminasyon sa kanila ng mga dayuhan.

Ipinaliwanag nilang makabubuting mapag-aralan ng makailang-ulit ang pagbubuo ng desisyon at huwag hayaang buyuin sila ng mga kamag-anak o di kaya’y magpadala sa mga panlabas na karangyaang nakikita nila sa mga nag-aabrod partikular pagdating sa pag-aasawa ng mga dayuhan.

Ibinilang naman ang mga bansang Amerika, Japan, Australia at Korea sa mga top most destinations ng mga Pilipino.

Anila, ilan sa mga mabababaw na kadahilan ng pagpunta sa Korea ay dahil na rin sa impluwensya ng mga tele-nobelang ipinalalabas sa bansa, habang sa mga bansang Amerika, Japan at Australia ay lumalabas na pag-aasawa ng mga dayuhan sa pag-asang magkaroon ng marangyang pamumuhay ang nagiging mga kadahilanan.

Sa talakayan, lumabas din ang ilang mga rekomendasyong maaaring makatulong upang maiwasan ang mga biglaang desisyon ng pag-aabrod o paninirahan sa ibang bansa.

Ilan sa mga ito ay ang pagbabago ng ilang mga maling pananaw ng mga Pilipino, pagpapataas pa ng kamalayan ng publiko ukol sa moralidad at pagkakaroon ng higit na malapit na relasyon ng sarili sa Diyos.

Ayon sa mga kinatawan ng CFOs ito ang sa ngayon ay nais nilang matutukan kung kaya’t hinihingi nila ang tulong ng media upang maipaintindi sa publiko ang mga kadahilanang kadalasan ay siyang pinagmumulan ng mga suliraning kinakaharap ng mga Pilipinong naninirahan ngayon sa ibang bansa. (Bennie A. Recebido, PIA Sorsogon)

No comments: