Tuesday, February 9, 2010

News Release

DFA AT CFO NANAWAGAN SA PUBLIKONG MAGING MAG-INGAT SA PAGBIBYAHE SA ABROAD

SORSOGON PROVINCE (Feb 8) – Pasaporte at Visa… ito ang dalawa sa pinakamalahagang kakailanganin ng isang nagnanais magbyahe sa ibang bansa.

Ito ang paalala ng Department of Foreign Affairs sa pamamagitan ng mga kinatawan ng Commission on Filipinos Overseas sabay din ang paalalang mag-ingat sa pagbyahe sa abroad.

Ayon kay Cindy San Pedro mahalagang alam ng bawat Pilipinong maglalakbay sa ibang bansa ang mga mahahalagang dokumentong kailangan niya tulad ng mga identification cards, medical examination record, tiket sa eroplano , address ng tirahan sa bansang patutunguhan, pasaporte at visa.

Ang pasaporte ay isang opisyal na dokumentong nagpapatunay ng pagiging mamamayan ng isang partikular na bansa at nagpapahintulot upang makapaglakbay at makapasok sa ibang bansa ang isang tao. Ginagarantiyahan din nito ang pagbabalik ng isang tao sa kanyang sariling bansa.

Mahalagang proteksyon din ang pasaporte bilang mamamayang Pilipino habang siya ay nasa ibang bansa.

Ang visa naman ay isang dokumentong panlakbay na nagpapatunay na maaaring makapasok ang isang tao sa isang banyagang bansa at pinahihintulutan itong mamalagi doon sa loob ng itinakdang panahong nakasaad sa kanyang visa.

Sinabi ni San Pedro na ang bagong pasaporte na ngayon ng Pilipinas ay kulay maroon, subalit maaari pa rin aniyang gamitin ang berdeng pasaporte kung hindi pa ito napapaso o expired.

Matatandaang mula Hulyo 2007, ang pasaporte ng Pilipinas ay Machine Readable Passport na. Kulay maroon at hindi berde ang kulay nito.

Ang machine readable passport ay naglalaman ng mga kabuuang datos na tanging makina lamang ang makakabasa.

Sa pamamagitan ng machine readable passport ay napapadali ang pagcheck ng pasaporte sa port of entry, nadadagdagan ang kredibilidad ng pasaporte at mas nabibigyang seguridad ang pagkakakilanlan ng isang tao.

Samantala, tiniyak ni San Pedro sa publiko na nakahandang umagapay ang DFA at ang tanggapan ng Commission on Filipinos Overseas sa mga Pilipinong nagnanais manirahan o lumabas ng bansa.

Ipinagbigay-alam din niya sa publiko na sakaling may mga suliraning kinakaharap ang mga kakilala o kamag-anak nito sa abroad ay maaaring mag-email sa info@cfo.gov.ph upang matulungan ang mga ito.

Nanawagan din siya sa mga nais mag-abroad na maging pamilyar sa mga batas tulad ng Republic Act 6955 o ang anti-mail to order bride, Philippine Passport Act at ang Republic Act 9208 o ang Anti-Trafficking in Persons Act upang hindi basta-basta maloloko o maaabuso.

Idinagdag na rin niyang maaari nang makatulong ang CFOs sa paghahanap sa mga nawawalang bata sa pamamagitan ng National Science Research Institute sa University of the Philippines, Diliman.

Ang Commission on Filipinos Overseas ang isa sa mga ahensyang nagkaroon ng malaking ambag sa pagkakapasa ng mga batas ukol sa national council licensure examination for nurses, absentee voting, dual citizenship at anti-human trafficking in persons act. (Bennie A. Recebido, PIA Sorsogon)

No comments: