Tuesday, August 10, 2010

ISTRATEHIYA SA PAGPAPATUPAD NG INTEGRATED COASTAL MANAGEMENT SA SORSOGON BUBUUIN

Tagalog News

SORSOGON PROVINCE – Nakatakdang gawin ngayong Martes, August 10, ang pagpupulong ng mga kasapi ng Technical Working Group upang planuhin at buuin ang mga hakbang at istratehiya upang epektibong maipatupad ang Integrated Coastal Management Program ng lalawigan ng Sorsogon.

Matatandaang sa isagawang Training Orientation on Integrated Coastal Management noong nakaraang buwan ay binuo ang technical working group na siyang gagawa ng plano at mga patakarang makatutulong kaugnay ng pagpapatupad ng Executive Order No 533.

Ang EO 533 ay ang atas na magpapatupad sa Integrated Coastal Management bilang pambansang istratehiya upang tiyakin ang sustenableng pag-unlad ng mga coastal at marine environment kasama na ang mga kayamanang makukuha mula dito at ang pagbubuo ng mga mekanismong susuporta sa pagpapatupad nito.

Ayon kay Provincial Environment and Natural Resources Officer Engr. Maribeth Fruto, ang technical working group ay binubuo ng mga environment and natural resources officer ng bawat munisipyo at lungsod dito, kinatawan ng Department of Environment and Natural Resources at ng Provincial ENRO-LGU.

Ayon pa kay Fruto, sinanay ang mga ito upang mabigyang giya ukol sa integration of coastal and marine resources, solid waste management, watershed and wetland management program upang makagawa ng isang komprehensibong integrated coastal management program.

Aniya, inaasahang makikita ang bubuing istratehiya sa coastal resources manamegent plan ng kani-kanilang mga nasasakupang area of responsibility.

Sinabi din ni Fruto na mahalaga ang pagpupulong na ito lalo pa’t sa patuloy na pagbabago ng panahon ay apektado na rin ang mga yamang tubig na isa sa mga pangunahing pinagkukunan ng kabuhayan ng maraming mga lokal na residente. (Bennie A. Recebido, PIA Sorsogon)

No comments: