Thursday, August 12, 2010

SORSOGANON PINURI ANG MAGANDANG PERFORMANCE NG BIR SORSOGON

Tagalog News

SORSOGON PROVINCE (August 12) – Maraming mga residente sa Sorsogon ang humahanga at natutuwa ngayon sa ipinapakitang gilas ng Bureau of Internal Revenue Sorsogon District Office sa larangan ng tax collection.

Ayon sa ilang mga residente dito partikular ang mga nasa panig ng negosyo na malaking tulong ang ginagawang information dissemination ng BIR at ang pagiging agresibo ng kanilang mga programa sa tax collection at tax cheats.

Sinabi rin ng mga ito na ngayong lumalakas ang tiwala ng mga taxpayers ukol sa tamang pagbabayad ng buwis ay dapat din lamang diumano na tiyakin ng pamahalaan na magagamit ng wasto ang mga nakolektang buwis mula sa mga taxpayers.

Positibo silang sa pamamagitan ng bagong administrasyon ay maitutuwid ang mga pamamaraan sa paggasta sa kaban ng bayan nang sa gayon ay tunay na makarating ito sa dapat paggugulan ng pondo at matamasa ng mga mamamayan ang basic social services na ipinapangako ng pamahalaan.

Samantala, sa ipinalabas namang pahayag ni BIR Sorsogon District Revenue Officer Arturo Abenoja, Jr., nalagpasan nila ang kanilang target collection para sa 2nd semester ng taong ito.

Aniya, sa loob ng unang pitong buwan ng 2010 ay nakakolekta na sila 211.84 milyong piso, lagpas ng 25 milyon sa kanilang aktwal target para sa 2nd semester. At kung ikukumpara ito noong nakaraang taon sa kaparehong panahon, nasa 51 milyon ang itinaas ngayon kung saan 161 milyong piso lamang ang kanilang nakolekta noon.

Ipinagpasalamat naman ni Abenoja sa mga tax payers ang magandang performance nilang ito at sinabi din niyang nagbunga rin ang kanilang pagsisikap na maisaayos ang pamamaraan sa pagbabayad ng buwis. (Bennie A. Recebido, PIA Sorsogon)

No comments: