Thursday, June 9, 2011

SME Negosyo Caravan sa Bicol pangungunahan ng Sorsogon


Ni: Bennie A. Recebido

Sorsogon City, June 9 (PIA) – Nakatakdang dumating sa rehiyon ng Bicol ang Small and Medium Enterprise o SME Negosyo Caravan sa darating na Hunyo 22-23, 2011 na sinimulan ng Department of Trade and Industry (DTI) sa lalawigan ng Bukidnon  noong nakaraang Abril 27-28 ngayon ding taon.

Matapos makapaglibot sa walo nang lalawigan sa bansa, ang rehiyon ng Bicol naman ang susunod na pupuntahan ng negosyo caravan kung saan ang Sorsogon ang magiging host.

Ayon kay Senen Malaya, Senior Trade & Industry Development Specialist at Information Officer ng DTI Sorsogon, sa Aemilianum College, Inc. grounds sa Piot, Sorsogon ang magiging lugar hantungan ng nasabing caravan. Aniya, layunin ng aktibidad na mapahusay pa ang akses at kamalayan ng mga SMEs sa mga serbisyong pampamahalaan at pampribadong sektor lalo na sa mga lugar kung saan may mahina o limitadong serbisyo sa larangan ng pagpapalago ng negosyo.

Darating din ang mga eksperto sa negosyo upang magsilbing tagapagsalita at magbigay ng mga pagsasanay at payo upang isulong ang entrepreneurship, akses sa mga pamilihan, akses pampinansyal at upang madagdagan ang produktibidad at kakayahan sa trabaho ng mga SMEs.

Kabilang din sa mga tatalakaying paksa ang mga sumusunod: Choosing the Right Market and Product Development, Business Plan Preparation, Putting Business Online, Requirements of Good Manufacturing Practices, Credit Sourcing Management, Packaging and Labeling Requirements at Franchising.

Aabot sa tatlong daang entrepreneurs mula sa iba’t-ibang mga rehiyon ang inaasahang lalahok sa nasabing caravan, kalahati nito ay magmumula sa Sorsogon.

Samantala, kasabay ng caravan ay ang tatlong araw na “Todo Diskwento Project” ng DTI mula Hunyo 22 hanggang 24, 2011 na naglalayong matulungan ang mga mamimimili sa pamamagitan ng pagbebenta ng mga discounted prices ng mga school supplies at mga pangunahing bilihin.

Lalahukan din ito ng mga malalaking tindahan kasama na ang National Food Authority-Sorsogon at San Miguel Integrated Sales. (DTI/PIA Sorsogon)

No comments: