Thursday, September 22, 2011

Contingency Planning Trainor’s Training para sa mga DRRMO isinasagawa


Ni: Bennie A. Recebido

Lungsod ng Sorsogon, September 22 (PIA) – Sinimulan na noong Lunes, Setyembre 19, sa bayan ng Irosin, Sorsogon ang Trainor’s Training on Contingency Planning para sa ikalawang batch ng mga tauhan ng Disaster Risk Reduction Management Office (DRRMO) na magtatagal hanggang sa Huwebes, ika-22 ng Setyembre.

Ayon kay Sorsogon Provincial Disaster Risk Management Office (SPDRMO) Public Information Officer (PIO) Von Labalan, una nang sinimulan ang pagsasanay para sa 1st batch ng mga trainors para sa apatnapung DRRMO ng probinsya, municipal at barangay sa Sorsogon noong nakaraang linggo.

Aniya, ang capability building support activities na ibinibigay nila ngayon sa mga bayan ng Juban at Irosin, Sorsogon ay bahagi ng teknikal na tulong ng World Food Programme (WFP) katuwang ang Philippine Business for Social Progress (PBSP).

Layunin nitong palakasin ang mga local Disaster Risk Reduction and Management Office sa pamamagitan ng pagpapatupad ng WFP ng kasalukuyan nilang proyektong “Technical Support to the Government of the Philippines for Disaster Preparedness and Response Activities”. Maliban sa pagbibigay ng kaukulang pagsasanay, nagbibigay din ang WFP sa ilalim ng proyektong ito ng tulong pinansyal, mga kagamitan at aktibidad ng paghahanda para sa anumang mga kalamidad.

Matatandaang ang WFP ay isang sangay ng United Nations para sa food aid programme nito at sa pagtugon sa lahat ng uri ng emerhensya. Habang ang PBSP naman ay kilala sa pagpapatupad ng programang corporate citizenship at kinukumbinse nito ang iba’t-ibang mga kompanya na isabay ang responsibilidad sa komunidad bilang sentro ng kanilang negosyo at pagtaguyod sa produktibong pamamaraan ng pagtugon sa kahirapan. (PIA Sorsogon)

No comments: