Ni: Bennie A. Recebido
Lungsod ng Sorsogon, September 20 (PIA) – Upang matulungan at mahikayat na rin ang mga mag-aaral at magulang, inilahad ni Dr. Higino Ables, Jr., dating dekano ng Bicol University College of Agriculture and Forestry (BUCAF) sa Guinobatan, Albay at dating Vice-Chancellor for Academic Affairs ng University of the Philippines Los Banos (UPLB), ang mga kursong pang-agrikultura kung saan maaring mag-enrol ang mga mag-aaral sa kolehiyo.
Ilan sa mga ito ay ang agricultural chemistry, agribusiness management, agricultural engineering and technology, agricultural journalism at landscape architecture.
Aniya, iniisip ng karamihan sa mga magulang at mag-aaral lalo na sa mga kanayunan na ang pag-aaral sa kursong agrikultura ay nakatuon lamang sa direktang paglinang ng lupa, subalit hindi gaanong maliwanag na mayroon itong mga sub-courses na mahalaga sa pagpapaunlad ang isang agrikultural na bansang katulad ng Pilipinas.
Kulang na kulang diumano ang bansa ng mga agricultural scientists na papalit sa mga nagsipagretiro na, namatay o umalis na ng bansa partikular sa chemistry, plant pathology, entomology, food technology, horticulture, genetics at biotechnology.
Inindorso din ni Dr. Ables ang mga paaralan kung saan maaaring mag-aral yaong may hilig sa agrikultura. Aniya, pangunahing agri-school sa bansa ang UPLB kabilang din ang UP Visayas sa Iloilo at Marine Science Institute sa UP Diliman para naman sa pangisdaan.
Mayroon din aniyang tatlong magagandang agricultural research university sa bansa. Ito ay ang Central Mindanao University sa Musuan, Bukidnon, VIsayas University sa Baybay, Leyte at Central Luzon State University sa Munoz, Nueva Ecija lalo na pagdating sa aqua-culture. (PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment