Ni: Bennie A. Recebido
Lungsod ng Sorsogon, September 12 (PIA) – Muling ipinaalala ng Philippine Information Agency (PIA) Sorsogon Information Center sa publiko ang pangangalaga sa karapatan ng mga bata o yaong mga menor de edad sa gitna ng patuloy na pagtaas ng bilang hindi lamang ng mga batang nabibiktima ng rape dito sa Sorsogon kundi maging ng mga diumano’y menor de edad na nagagamit sa mga krimeng tulad ng pagnanakaw.
Sa ilalim ng Republic Act 7610 o ang Special Protection of Children Against Child Abuse, Exploitation and Discrimination Act at Article XV, section 3 ng Philippine Constitution, protektado nito ang mga bata at kabataan laban sa anumang uri ng gawaing aabuso sa kanilang mga karapatan.
Kabilang sa mga karapatang ito ng mga bata na dapat isa-alang-alang ay mga sumusunod: karapatang mabuhay, magkaroon ng pangalan at pagkakakilanlan, maging malaya, magkaroon ng pamilya, magandang edukasyon, sapat na pagkain, kalusugan at aktibong pangangatawan, mabigyang oportunidad na makapaglaro at makapagpahinga, malayang makapagpahayag ng kanilang mga nararamdaman, mamuhay ng mapayapa sa isang komunidad, matulungan at maipagtanggol ng pamahalaan at mabigyan ng proteksyon laban sa anumang pang-aabuso, panganib at dahas.
Maging ang Department of Interior and Local Government (DILG) ay naglabas din ng Memorandum Circular No. 2008-126 na nag-aatas sa mga gobernador, alkalde, punong barangay at DILG regional director na pag-aralan ang nirebisang panuntunan sa pagsubaybay sa pagpapatupad ng mga Local Council for the Protection of Children sa lahat ng lebel.
Malaking tulong diumano ang ang pagpapaigting ng LCPC sa mga bayan at lungsod partikular sa mga barangay upang masubaybayan ang mga galaw ng kabataan at magiyahan ang mga ito pati na ang mga magulang at buong komunidad tungo sa pagbibigay proteksyon sa mga bata o menor de edad.
Matatandaang sa ipinalabas na national statistic, nasa 2.4 milyon na mga bata ang sa ngayon ay lantad sa mapanganib na kapaligiran kabilang na ang pagiging lantad nito sa mga pang-aabusong sekswal. (PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment