Ni: Bennie A. Recebido
LUNGSOD NG SORSOGON, January 24 (PIA) –Bilang bahagi pa rin ng programa ng lalawigan ng Sorsogon ukol sa kahandaan sa iba’t-ibang mga uri ng kalamidad, pinulong ng Sangguniang Panlalawigan sa pangunguna ni Bise Gobernador ng Sorsogon Antonio H. Escudero ang mga action officer ng Municipal Disaster Risk Reduction Office sa buong lalawigan.
Aktibo ding dinaluhan ang nasabing pagpupulong ni Police Community Relations Officer Police Chief Inspector Martin Batacan bilang kinatawang ng Sorsogon Police Provincial Office.
Ayon kay Batacan, ang pulong na ginawa sa Sangguniang Panlalawigan Session Hall noong Huwebes, Enero 19, 2012, ay may layuning paigtingin ang kahandaan ng mga opisyal at ng mga mamamayan sa panahong may mga paparating na kalamidad sa lalawigan.
Aniya, tinalakay ni Dante Bonos, kinatawan ng Sorsogon Provincial Disaster Risk and Management Office ang mga plano at programa ng kanilang tanggapan tulad ng pagpapalakas pa ng kapasidad ng mga action officer at kasapi ng Provincial Disaster Risk Reduction Management Council (PDRRMC).
Ipinaliwanag naman ni Irosin Municipal DRRMC action officer Ediberto Elorza ang mga suliraning sa tuwina ay kinakaharap ng ng isang lugar matapos na hagupitin ng mga kalamidad partikular sa bahagi ng pagbangong muli ng kabuhayan ng mga naapektuhan.
Inihayag din ni Casiguran Municipal DRRMC action officer Salvador Jao ang kakulangan sa pinansyal at pagtutulungan sa oras na nagkakaroon ng kalamidad, subalit mariin namang pinuri nito ang mga kapulisan sa aktibong suportang ibinibigay nito sa kanila sa mga panahon ng kalamidad.
Buo naman ang tiwala ni Bise Gobernador Escudero na sa pagkakalatag ng mga isyu at suliraning kinakaharap ng mga action officer sa lalawigan, mabibigyang-pansin at tugon ito ng kanyang tanggapan sa pamamagitan ng pagpasa ng mga ordinansa ng konseho ng Sangguniang Panlalawigan na siyang magpapatibay pa sa kahandaan ng komunidad sa lalawigan ng Sorsogon. (PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment