Thursday, January 26, 2012

Sakit na may kaugnayan sa healthy lifestyle pangunahing dahilan pa rin ng kamatayan ng mga Bikolano


Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, January 26 (PIA) – Healthy Lifestyle pa rin ang ipinapanawagan sa publiko ng mga opisyal sa kalusugan dito.

Ito ay matapos na lumabas na mga sakit na may kaugnayan pa rin sa healthy lifestyle ang pangunahing dahilan ng kamatayan ng mga Bicolano, maging ng mga Sorsoganon.

Ayon kay Provincial health Officer Dr. Edgar Garcia, kabilang sa mga sakit na ito ay ang sakit sa puso, alta-presyon, Tuberculosis (TB), pneumonia, kasama na rin ang mga aksidente sa kalsada na kadalasang kinasasangkutan ng mga tsuper na nakainom ng alak.

Aniya, ang mga atake sa puso at stroke dahilan sa high blood pressure ang pinaka-nangunguna sa mga sakit na ito.

Dagdag din niya na sa kabila ng pinaiigting na kampanya laban sa TB, nasa ikatlo pa rin ito sa listahan ng mga nakamamatay na sakit. Aniya, ang TB ay nakukuha ng isang pasyente dahilan sa mahinang resistensya ng katawan nito. Kasunod naman nito ay ang nakakahawang sakit na pneumonia.

Kaugnay nito, pinayuhan niya ang mga mamamayan na sundin ang tamang pamamaraan sa pagkain, magkaroon ng regular na ehersisyo at gawin ang malinis at malusog na estilo ng pamumuhay.

Samantala, sa datos noong 2010 ng Technical Department ng Provincial Health Office ukol sa mga non-communicable disease o sakit na hindi nakakahawa, 1,258 o animnapu sa bawat sampung libong populasyon ang namamatay sa atake sa puso, 320 o apat katao sa bawat sampung libong populasyon ang namamatay sa cancer, 153 o dalawa sa sampung libong populasyon ang namamatay sa bronchial asthma, 114 o isa sa bawat sampung libong populasyon ang namamatay sa diabetes, habang 91 o isa sa bawat sampung libong populasyon ang namamatay sa sakit sa atay o renal disease. Hindi umano dito alintana kung anumang edad natamaan ng sakit ang mga ito.

Habang ang Urinary track Infection (UTI) at hypertension o alta-presyon naman sa non-communicble disease ang kabilang sa mga nagiging kadahilanan ng pagkakasakit ng mga Sorsoganon kung saan, 3,720 o 46 katao sa bawat sampung libong populasyon ang nagkakasakit ng UTI habang 3,287 o 41 katao sa bawat sampung libong populasyon ang nagkakasakit ng alta-presyon. (PIA Sorsogon)



No comments: